NAGBABALAK ng tigil-pasada ang dalawang transport groups dahil sa desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pinayagang mag-operate ang online-transport company na Uber.
Nakaragdag daw lamang sa matinding trapik sa Metro-Manila ang Uber, sang-ayon sa pangulo ng Piston na si George San Mateo.
Mukhang sour graping lamang ang pagtutol ni San Mateo. Mahigit 100 units pa lamang ang miyembro ng Uber kaya hindi ito nakaaapekto sa pagbagal ng trapiko.
Isa sa pinakamatinding dahilan kaya matrapik na ayaw punahin ni San Mateo ay ang kanyang kabalahibong tsuper na karamihan ay walang disiplina.
Ang ilan sa mga drayber ng pampublikong sasakyan ang reckless, kaskasero, hindi sumusunod sa batas trapiko, nagsasakay at nagbababa ng pasahero sa gitna ng daan, na kinukunsinti naman ng walang malasakit na transport groups.
Ang mga driver ng pampasaherong sasakyan ang dapat disiplinahin ng kanilang grupo. Kapag nagawa nila ito at nadisiplina ang mga drayber ng pampublikong sasakyan, kalahati ng problema sa trapik ay lutas na.
Kahit na paano ay luluwag ang mga kalye kaya tuluy-tuloy ang daloy ng sasakyan.
Hindi tama ang pagprotesta nila laban sa pribadong kotseng kasapi sa Uber dahil sila ang kasagutan sa mga iresponsable at mapagmalabis na taksi drayber. Mga taksing pumipili ng pasahero, nangungontrata at maniniwala ba kayo, hinuholdap pa nila ang ibang pasahero.
Kung mali man ang operasyon ng Uber taxi, maituturing din itong tama dahil nga ito ang kasagutan sa mga iresponsable at masasamang taksi drayber na masyadong brusko, mapagmalaki at tuluyang tinalikuran ang kanilang pangunahing tungkulin na pagsilbihan ang publiko.