Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7104038
SA DAMI ng krimen na nangyayari ilang porsiyento lang ang nahuhuli ang kriminal at iilan din ang dumadating sa dulo kung saan nakakamit ng pamilya ng biktima ang hustisya na kanilang ipinaglalaban.
Ito’y isang storya ng pagpatay na inilapit sa amin at dahil may nakasabay itong mas malaking insidente ng patayan hindi masyadong nabigyan ng pansin. Trinabaho namin ito, inilapit sa ibang kasamahan sa media at nagbunga ang lahat nung ika-28 ng Agosto 2015.
Sa isang pagbabalik-tanaw sina Ronnie Moreno at Editha Suansing-Moreno ay lumapit sa amin dahil sa brutal na pagkakapatay kay Edralin “Ed” Adriano.
Si Ed ay may-ari ng Tech Support Global (TSG) sa Alabang. Ito ay isang Business Processing Outsource (BPO) na nag-aalok ng ‘troubleshooting techniques’ sa United States, Australia at United Kingdom.
Ikapito ng Setyembre 2013 nang puntahan ng mag-asawa si Ed sa bahay nito sa Las Piñas.
“Gabi pa lang magkausap na sila ng kanyang ina. May ipapagawa kasi siya sa bahay niya. Ang bilin namin bumili na ng materyales at iwanan na lang sa labas ng pinto para hindi na siya gigisingin,” sabi ni Ronnie.
Umaga pa lang dumating na ang karpintero ngunit nag-text ito kina Ronnie na wala raw tao sa lugar. Wala ang sasakyan ni Ed, sarado ang pinto ngunit bukas ang telebisyon sa loob.
Pumunta ang mag-asawa sa lugar. Kumatok sila pero walang sumasagot. Umikot si Ronnie sa may kwarto ni Ed at doon niya narinig na bukas ang shower sa banyo.
Kinutuban na si Ronnie na mukhang may hindi magandang nangyari.
“Tinanggal namin ang jalousies at pinilit na ibuka ang bakal. Humingi kami ng tulong at pinalusot namin ang bata sa bintana sa katabi ng kwarto ni Ed,” kwento ni Ronnie.
Pinabuksan nila ang main door at nang makapasok sila ay agad niyang binuksan ang kwarto ni Ed.
Nakahandusay ang katawan sa kama na nakasuot ng kulay itim na sando at boxer shorts. Nakataas ang dalawang kamay habang ang paa ay bahagyang nakalaylay sa sahig.
Sumugod palapit si Ronnie at ang una niyang ginawa ay pulsuhan si Ed. Wala na itong buhay at matigas na ang katawan. Nagpapatunay na ilang oras na ang nakakaraan mula nang mangyari ang krimen.
Nang tingnan niyang mabuti si Ed paga ang ulo nito at halos madurog ang bungo.
“Bukas na ang kanyang aparador at mga tokador. Wala na doon ang dalawang Apple Laptop, iPad mini, iPhone, Samsung Android Phone at bagong biling HTC One,” salaysay ni Ronnie.
May bakas ng dugo ang paligid ng banyo nito at may isang bakas ng kamay malapit sa pintuan.
May isang duguang puting T-shirt din na isinuksok sa inidoro para mai-flush. Tinangay din ng pumasok ang kotse ni Ed na Alterra SUV.
Tumawag ng responde ang pamilya para maimbestigahan ang nangyaring krimen. Hindi nila ginalaw ang katawan ng biktima.
Ilang oras ang nagdaan bago nakarating ang pulis ng Las Piñas at ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Alas tres na ng hapon nang mailabas ang bangkay ni Ed.
Sa pag-iimbestiga ng mga pulis lumitaw ang pangalang Ricardo ‘Rek-rek’ Robles na itinuturong may kagagawan ng krimeng ito.
May nagbigay ng pahayag na isang tanod na nagsabing bandang alas singko ng umaga nang labas pasok daw si Rek-rek sa screen door ng bahay ni Ed.
“Itinuro ni Allan Glenn Costillas ang bahay ni Rek-rek. Pagdating ng mga pulis sa lugar may dala umano itong baril at biglang bumunot,” ayon kay Ronnie.
Base sa naging salaysay ng testigo sinampahan ng kasong Robbery with Homicide at Carnapping si Rekrek. In-inquest siya at ang mga tumayong testigo ay isang tanod at si Antonio Bataller.
Itinanggi ni Rek-rek ang lahat ng akusasyon laban sa kanya. Napagbintangan lang daw siya at wala siyang baril nang biglang pumasok ang mga pulis sa kanila.
“Nakita ko ang computer facial image ng suspek na inilarawan ng testigo. Malaki ang pagkakaiba ng mukha namin. Sa buhok pa lang, malago at mahaba ang buhok ko kaysa sa buhok ng suspek,” ayon sa salaysay.
Magkasama raw sila nun ng kanyang ka-live in na si Jamaica Tan sa Admiral Village. Hindi raw siya umalis sa kanilang lugar ng mga panahong yun.
Nakita naman sa Admiral Village ang sasakyan ni Ed na nakaparada malapit sa inuupahang bahay ni Rek-rek. Ayon pa sa kanya tinorture raw siya ng mga pulis para umamin at pangalanan ang kanyang kasama sa paggawa ng krimen.
Bagama’t pinabulaanan ni Rek-rek ang lahat ng ibinibintang sa kanya. Napansin naman ng pulis ang mahahabang kalmot sa tiyan nito at sa bandang likod pati na rin ang kagat sa ibaba ng pusod.
“Nag-away kami ng ka-live in ko at pinagkakalmot niya ako at kinagat,” depensa niya sa mga nakitang kalmot sa kanyang katawan.
May ilan pang testigong nagbigay ng kanilang salaysay na nakita nila sa lugar itong si Rek-rek. Isa sa mga ito ay pinakitaan ng mga pulis ng mga larawan mula sa kanilang ‘rouges gallery’. Positibong itinuro ng testigo ang larawan ng isang Ricardo Robles.
‘Blunt Traumatic Injuries, Head’ ang naging dahilan ng pagkamatay ni Ed ayon sa kanyang Medico Legal Report na isinagawa ng PNP-Crime Laboratory, Southern Police District PCINSP. Voltaire Nulud.
May mga nakita rin siyang sugat sa balikat, siko tuhod at mga braso (defense wounds).
Bilang karagdagang testigo lumabas si Jonathan “Kulet” Bolima na kapitbahay ni Ed.
“Siya raw ang huling nakausap ni Ed nung gabi. Nakita niya daw umuwi itong may kasama,” ayon kay Ronnie.
Sino ang pumatay kay Ed? Ano ang dahilan kung bakit siya pinatay?
ABANGAN ang karugtong ng kwentong ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.