Pulitikong ‘SAS’ (Sawsaw, Angkas, Sakay)
KAPANSIN-PANSIN na sa mga naglalabasang isyung-nasyunal sa bansa, maraming mga pulitiko ang bigla nalang naglulutangan.
Lahat gusto maging bida. Nagpapatalbugan. Kaniya-kaniyang bigay ng tagli-lima singko nilang opinyon sa media para lang maging laman ng balita.
Laging nangunguna d’yan ang mga mambabatas. Mga senador at kongresista na kahit wala namang kinalaman sa isyu, talagang pilit pinagsisiksikan ang kanilang mga namamaga nang mukha sa harap ng mikropono at kamera.
Kung susuriin naman ang kanilang mga ambag sa paggawa ng mga batas, puro lang sila satsat at palabra. Mistulang mga palamuti lang sa mga institusyon na kanilang nirerepresinta habang sini-swelduhan ng taumbayan.
Kaya kapag may pumutok na kontrobersiya, parang mga kabuteng nagsusulputan. May mga instant problem solver, may mga playing safe, may mga gusto yatang maging spokesperson na sa isyu na at talagang nagpapawis para lang maidikit ang kanilang mababantot na pangalan.
‘SAS’ kung tawagin sila ng BITAG. Mga sawsaw, angkas, sakay na naggagaling-galingan sa kanilang mga baluktot na pananaw. Na sa matinding desperasyon na makapag-iwan ng tatak sa publiko at makahatak ng boto, gagamitin at pilit nilang panghihimasukan ang mga isyu.
Hindi ko na kailangan pang isa-isahin ang mga isyu na pilit sinasawsawan, inaangkasan at sinasakyan ng mga trapo. Dahil siguradong kukulangin ang espasyo sa kolum ko.
Ngayong papalapit na ang eleksyon, asahan nang buhay na buhay na naman ang dugo ng mga nag-aambisyong pulitiko at mga ‘TL’ o tulo-laway sa pwesto sa gobyerno.
Maging matalino at mapag-analisa sa bawat sinasabi ng mga nasa likod ng balita. Hindi basehan ang exposure ng mga pulitiko sa mga napapakinggan, napapanood at nababasang balita para makuha ang boto ng publiko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest