Mali ang pahayag ni Coloma
MATAGAL nang naging matatag ang ating ekonomiya dahil sa bilyong dolyares na padala ng 10 milyong overseas Filpino workers (OFWs).
Oo nga at ang padalang dolyares ng mga OFW ay para sa kanilang pamilya pero sa sandaling mahawakan nila ang pera ay converted na sa pesos. Ang dolyares na ito ang garantiya ng ating gobyerno na pambayad sa lahat ng uring bayarin sa labas ng Pilipinas.
Ang padalang dolyares ng OFWs ang dahilan kung bakit matatag ang ating dollar reserves na kabaliktaran ng pahayag ni Communication Sec. Sonny Coloma na walang pakinabang ang gobyerno sa dollar remittances ng mga “bayani sa makabagong panahon”.
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit mahilig baluktutin ng mga alipores ni President Aquino ang katotohanan.
At ang lalong nakaiirita ay hindi friendly ang gobyernong ito dahil lagi na lamang silang confrontational. Ang sinumang kumontra sa kanilang patakaran ay itinuturing nilang kaaway.
Ayaw kong isipin na kaya maliit ang pagtingin ng gobyerno sa OFWs ay dahil elitista ang Presidente at ibang-iba ang lipunan na kanyang ginagalawan kung ihahambing sa mga manggagawang namamasukan sa ibang bansa.
Balewala sa Palasyo ang mga OFW dahil noon pa hindi man lamang binanggit ni P-Noy ang malaking tulong ng mga ito sa kanyang huling State of the Nation Address.
Kung bakit ayaw kilalanin ang malaking tulong ng OFWs sa malusog na ekonomiya ay ang naninirahan lamang sa Malacañang ang nakaaalam.
Basta ang alam ko, ang mga tagapagsalita ng Presidente ay mahilig baluktutin ang katotohanan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sa paglipas ng mga araw, lalong dumarami ang nasusuklam kay P-noy dahil sa kanyang mga tauhang arogante at kontra-mahirap.
- Latest