BALAK ipatupad ng pamahalaan ang odd-even vehicle reduction program para malutas ang grabeng trapik sa Metro Manila. Si President Noynoy Aquino mismo ang naghayag ng plano noong Huwebes. Hahatiin ang bilang ng mga sasakyan base sa numero ng plaka. Salitan ng araw sa pagbiyahe. Ayon sa Presidente, tiyak na luluwag ang kalsada kapag naimplement ito pero agad din niyang sinabi na tiyak na marami ang aalma dahil hindi magagamit ang kanilang sasakyan.
Binalak nang ipatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang odd-even scheme noong 2010 pero agad din itong itinigil dahil walang suporta mula sa local government units.
Tama ang sinabi ng Presidente na maraming babatikos sa kanyang odd-even scheme dahil hindi magagamit ang kanilang kotse. Hindi tatanggapin ang kanyang plano. Kaya muling isi-shelved ang planong ito.
Maaaring hindi rin magtagumpay ang odd-even scheme sapagkat hindi naman nababawasan ang sasakyan sa kalsada. Kahit pa maging salitan ang pagbibiyahe, lilikha rin ng trapik dahil sandamukal ang mga bagong sasakyan. Hindi rin masosolb ang problema sa trapiko na araw-araw ay pahirap sa motorista at mga empleado. Ang kalahating oras na biyahe mula North EDSA patungong Ayala ay inaabot na ng kulang-kulang na tatlong oras. Ang ibang empleado, pawang kaltas na ang kanilang suweldo dahil sa sobrang late sa pagpasok.
Sa ginawang pag-aaral ng Japan International Cooperating Agency (JICA), P2.4 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik sa Metro Manila. Kung hindi pa masosolusyunan ang trapik, maaaring umabot umano sa P6 bilyon ang nasasayang na pera araw-araw.
Ba’t hindi muna subukan ang mga sumusunod bago ang odd-even scheme.
Hulihin ang mga colorum bus sa EDSA. Ayon sa report, nasa, 3,600 ang mga bus sa EDSA pero marami rito ang colorum na bumabalagbag sa Cubao, Megamall at Guadalupe na nagpapasikip sa trapiko. Kapag nawala ang mga colorum, luluwag sa EDSA.
Sikapin ng MMDA na magkaroon ng mga traffic enforcer na tapat sa tungkulin at hindi nangongotong. Maraming bus driver ang naglalagay sa mga traffic enforcer para makapagsakay at makapagbaba sa hindi tamang lugar.
Walisin ang mga sasakyan na naka-park sa mga kalsada.