PAKIRAMDAM MO SUBSOB KA SA TRABAHO, ngunit parati ka pang laging kinakapos? Sali ka na at ang Php1,500 magiging sampung libo! Nakakasilaw ang alok na ito hindi ba?
Ito ang usong ‘scam’ ngayon. Ang tawag dito ay ‘networking’ o yung pang eengganyo ng mga tao na sumali isang samahan. Kukuha sila ng mga kaibigan na magbibigay din ng kanilang mga puhunan.
“Sabi nila ang may-ari raw nito ay si Angelu de Leon at may mga kasama pang matataas na tao tulad ng heneral. Inisip ko na mukhang magandang pasukan nga ito,” sabi ni Charlyn.
Ang mismong nag-recruit kay Charlyn Gesta sa UPWorld Asia Corporation ay ang nakilala niyang si Gary Buena.
May ibang benepisyo pa raw na maaaring makuha kapag naging ‘wholesaler’ ka. May singkwenta porsiyento siya sa lahat ng produkto. Mga Wellness Herbal Medical Products ang ibinebenta nito.
“Kapag may na-recruit pa ako na gustong maging dealer may incentives pa silang ibibigay sa ‘kin. Ang Php150,000 ko magiging Php300,000. Doble ng inilabas kong puhunan,” kwento ni Charlyn.
Maliban pa rito magkakaroon pa raw siya ng IPAD Air kaya mas nahikayat si Charlyn na mag-invest dito.
Madali nga naman ang kita kung ikukumpara mo sa pagnenegosyo na may panganib ka pang malugi. Konting benta at pag-aaya lang sa mga kaibigan doble na kaagad ang kita.
May mga larawan ding ipinakita sa kanya na may mga kasosyong matataas na opisyal ng bansa.
Nagtiwala si Charlyn dahil kung mga alagad ng batas ang nagpapalakad nito ay malaki ang kompiyansa niyang hindi itatakbo ang kanyang pera.
Ikalabinglima ng Abril 2015 sinabihan umano siya ni Gary na magbigay ng pera. Idineposito niya ang halagang Php150,000 sa account ng ‘Chief Financial Officer’ ng UpWorld na si Maria Zenaida Lazona.
“Ang usapan may matatanggap akong IPAD Air at produktong nagkakahalaga ng Php200,000 sa loob ng tatlong araw mula ng matanggap nila ang pera,” wika ni Charlyn.
May ‘acknowledgment receipt’ naman raw siya na nakuha ng nasabing tao ang ibinigay niyang pera.
Kampante na si Charlyn na kahit papaano ay magkakaroon siya ng dagdag kita sa pagsali dito.
Naghintay siya na dumating ang mga ipinangako ng mga ito ngunit ilang araw na ang nakakalipas wala naman siyang natatanggap. Tama naman daw ang address na inilagay niya.
Mula rin nang maibigay niya ang pera ay hindi na niya makontak ang mga kausap.
Sa Laguna nakatira si Charlyn at nang wala na siyang balita kung ano ang nangyari sa kanyang pera nagpunta siya ng Maynila upang bisitahin ang mismong opisina ng UpWorld Asia. Nagtataka siya kung bakit lagi itong sarado.
“Hindi ko na alam kung saan ko sila hahagilapin. Yung pera ko hindi naman maliit na halaga yun. Naitakbo na nila,” sabi ni Charlyn.
Nagpatuloy sa paghahanap sina Charlyn kasama ang kanyang pamilya sa address na ibinigay ng mga ito nung nakikipag-usap pa sa kanya.
Napag-alaman nila na ito umano ay scam, illegal at marami nang naloko.
May mga nakilala rin siya na isang grupo na naloko ng UpWorld. Halos sampung milyon na raw ang natatangay ng mga ito.
“Ang gusto ko matigil na sila. Naririnig ko kasi na hanggang ngayon ay may mga nabibiktima pa sila,” pahayag ni Charlyn.
Nabalitaan daw ni Charlyn na nagsampa na ng kaso ang ilang mga kasamahang naloko laban sa UpWorld.
Hiling ni Charlyn mahuli sana ang mga nanloloko sa kanila at pagpapaasa na sila’y kikita ng doble sa ibinigay nilang pera.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, matunog at nababalita ang ganitong uri ng pang-eengganyo ng mga networking company. Ang ilan magpapaskil ng maliliit na papel sa poste na naghahanap sila ng mga trabahante ngunit oras na maipasok ka sa kanilang opisina nila iba pala ang gagawin mo.
May produkto silang ipapabenta sa ‘yo ang ilang pa dito para ka matanggap ay kailangan mong bilhin ang isang set at makapagbenta ng ilang piraso.
Sasabihan ka na kailangan mo daw magdala ng ilan pang kakilala na gusto ding magtrabaho at sa bawat taong maipapasok mo lalaki ang perang maiiuwi mo.
Hindi ito ang unang beses na makarinig tayo ng ganitong uri ng problema. Marami pa dyan na nagkalat sa Facebook na ang raket nila ay paluwagan lang daw.
Kalimitan sa ganitong uri ng sistema kikita ka ng ilang buwan at unti-unti ay mawawala hanggang sa wala ka ng makuha.
Sa kaso naman ni Charlyn wala siyang kinita at tinangay lang ang kanyang pera. Idinaan siya sa mga salitang may matataas na tao ang kasosyo dito para lang madaling makapaglabas ng pera.
Maging babala din ito sa ating mga kababayan na kapag masyadong malaki ang kikitain mo at magdadala ka ng mga kaibigan magdalawang-isip ka na baka ito’y scam lamang.
Isa rin maaring tignan ng ating gobierno at pag-aralan ay ang ginawa nilang pagbababa ng ‘interest’ sa mga bangko, ‘mapa-savings deposit o time deposit’na halos kakarampot na lamang ang balik ng inyong pera na kanila namang ipinauutang sa iba nilang kliyente sa malaking halagang interes.
Ang ating mga ‘senior citizen’s na nagsikap at nag-impok at ang nakukuhang interest nila sa bangko hindi na sumasapat sa kanilang sa kanilang pangangailangan (sa gamot pa lamang ubos na) napipilitang kumagat sa alok ng mga buwitre na naghihintay lamang na lamunin ang kanilang mga pera, na dating listas na nakalagay sa bangko.
Hindi kaya pwede nag awing itaas ang interes lalo na sa ating mga ‘senior citizens’ na kapag sumabit sa isang mangagantso ay hindi na makakabangon pa? Maawa naman tayo ds ksnils.
Maaaring magsampa ng ‘Syndicated Estafa’ sina Charlyn sa mga namumuno ng UpWorld.
Mabilis at kung iisipin mo maganda ang kita ngunit ilan nga ba ang naloko nilang tao bago ibigay sa ‘yo ang dobleng kita?
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618