NAHATI hindi lang ang Korte Suprema kundi pati bayan sa isyu ng bail para kay Juan Ponce Enrile. Nakapiit ang 91-anyos na senador at bilyonaryo, sa sakdal na plunder (ng PDAF, ang congressional pork barrel). Non-bailable ang offense, kaya tinanggihan ng Sandiganbayan ang petition for bail ni Enrile. Dumulog siya sa Korte Suprema, na nagpasya, sa botong 8-4, na pagkalooban siya ng panandaliang paglaya.
Maraming rason para makapag-bail: Bilang karapatan, pagpakita ng malinis na hangarin tulad ng pagsuko (na ginawa ni Enrile), at pagpiyansa (P1.45 milyon sa kaso ni Enrile). Pero kakaiba at kauna-unahan ang naging rason ng mayorya ng mga mahistrado. Ito’y ang umano’y “humanitarian grounds,” dahil matanda na’t sakitin si Enrile. Ilang beses siyang naitakbo sa prison hospital, at malimit iniksiyunan ang mga mata.
Pero ayon sa minorya, wala sa Rules of Court ang “humanitarian grounds.” Imbento lang daw ito ng ponente. Espesyal umano ang trato sa mataas at mayaman na Enrile. May kinikilingan umano ang hustisya, imbis na nakapiring ang mga mata.
Galit din ang maraming mamamayan. Sawa na sila hindi lang sa kurakutan sa gobyerno kundi pati sa hindi patas na hustisya. Malamang daw na kasunod ni Enrile na bibigyan ng bail ang mga akusado rin ng plunder na senadores at mayayamang Jinggoy Estrada at Bong Revilla. At hindi pahuhuli si dating Presidente at ngayo’y congresswoman na mayamang Gloria Macapagal Arroyo.
Kabaliktaran naman ang pananaw ng ibang mamamayan. “What’s good for the goose is good for the gander,” anila sa kasabihang Ingles, na “Kung ano ang bagay sa babaing gansa ay maari rin sa lalaki.” Totoo raw na maraming matatanda at maysakit pero mahirap na nakapiit, na tila walang hustisya. Pero makikinabang din umano sila sa bagong jurisprudence. Dapat daw subukan ngayon ng kanilang mga abogado na mai-bail din sila sa “humanitarian grounds.” Magkasubukan na, ika nga.