NAPAKARAMING tao ang nagkaroon ng sore eyes. Kakaiba ang sore eyes ngayon. Mapulang-mapula ang mata at may nagsasabi na parang nagdurugo pa. Hindi tulad dati na ang sore eyes ay may maraming muta.
Ang mikrobyo ng sore eyes ay nasa mata. Lumilipat ito sa pamamagitan ng pagkusot ng mata gamit ang ating kamay.
Paano iiwas:
1. Huwag hahawakan ang mata o talukap ng mata.
2. Maghilamos pa rin sa umaga at gabi para malinis ang mata.
3. Bawal muna mag-beso-beso o makipagkamay sa isang taong may sore eyes.
4. Ang mga gamit na tulad ng tuwalya, unan at salamin ay dapat hugasan din ng maigi.
5. Kapag humawak ang isang may sore eyes sa pintuan, computer o refrigerator, puwedeng manatili roon ang bacteria at makahawa ng iba.
6. Kapag makipagkamay tayo sa taong may sore eyes at mapunas mo sa iyong mata, siguradong magkaka-sore eyes ka na rin.
7. Huwag munang pumasok sa school o magtrabaho sa opisina.
8. Maghugas ng kamay palagi.
9. Gumamit ng 70% alcohol at maglagay sa kamay nang maraming beses sa buong araw.
Paano ginagamot ang sore eyes?
1. Kusang gumagaling ang sore eyes pagkaraan ng 1 o 2 linggo.
2. Puwedeng gamot sa sore eyes ang mga anti-bacterial eye drops sa mga drug stores. May kamahalan lang po.
3. HUWAG patakan ng ihi, calamansi o gatas ng ina. HINDI po ito makatutulong at puwedeng makasira ng iyong mata.
Siyempre, kumonsulta rin sa doktor o ophthalmologist.