KUNG tutuusin, ang libu-libong manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibayong dagat ang nagpapasok ng kayaman sa ating bansa. Sila ang dugo na nagsusustina sa ating ekonomiya. Subukan mong pabalikin ang lahat ng mga OFWs sa Pilipinas, tingnan natin kung hindi mabilis bumagsak ang ating ekonomiya.
Pero ano itong ipinatutupad na patakaran ng Bureau of Customs (BoC)? Ang mga dala-dalang kahon ng mga balikbayan, partikular ang mga OFWs ay bubuksan at bubulatlatin na sa paliparan at mga daungan. Sa social media ay mababasa natin ang nagpupuyos na galit ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Galit na nakatuon sa pagiging manhid ng administrasyon.
May kalyo na ba ang puso ng gobyernong ito para hindi makadama ng kaunti man lang habag sa mga Pilipinong binubusabos ang sarili para lamang kumita ng malaki-laki at makatulong din sa pag-unlad ng ekonomiya?
Kaya nauso ang mga balikbayan boxes noong panahon ni Presidente Marcos ay ibig bigyan ng oportunidad ng Pangulo noon na guminhawa ang buhay ng mga OFWs. Yun bang kaunting pasalubong na ibibigay nila sa kanilang mga kaanak tulad ng mga damit, sapatos o kaunting electronic gadgets ay dapat pang pakialaman ng gobyerno? Abuso na iyan.
Ngunit kapag may mga personalidad na kilalang malapit sa administrasyon na napapabalitang nangungurakot, parang walang naririnig ang administrasyong ito. Hindi ko maintindihan kung ang administrasyong ito ay naglala-yong bigyan ng ginhawa ang bansa o sadyang pasakitan ang mga ordinaryong mamamayan.
Isa pa, tiyak na sa ganyang sistema ay magbubukas sila ng oportunidad para sa katiwalian. Kapag ang balikbayan ay nakitang nagdadala ng mga sobra-sobrang bagay na lampas sa itinatadhana ng itinakdang limitasyon ng gobyerno, diyan papasok ang aregluhan. O di ba?
“Bro, huwag mo nang pansinin iyan. O..heto para tumahimik ka,” di ba? Nalulungkot ako dahil tayo ay Kristiyanong bansa pero ang mga umuugit sa pamahalaan ay tila hindi tumatalima sa kaugaliang Kristiyano. Uupps..kami lang ang puwedeng mangurakot. Kayo hinde.