AYAW ni SSS Pres. Emilio de Quiros Jr. na bigyan ng across the board na P2,000 dagdag ang 1.8 milyong pensiyonado ng SSS.
Pag matutuloy daw ito ay kailangang magdagdag ng 11% hanggang 15% na kontribusyon ang 32.5 milyong SSS members dahil kung hindi, ang fund life o pondo nito ay tatagal na lang sa 2029 sa halip na 2042.
Pero binara ito ni Sen. Cynthia Villar, chairwomam ng Senate committee on government corps, and public enterprises, nang sabihin niya na “we are able to subsidize the poor through the conditional cash transfer program of the government I dont see why we cannot allocate a portion in the general appropriations act to subsidize this increase for pensions.”
Mabuti pang di hamak si Sen. Cynthia ay gumamit ng puso pero itong si De Quiros ay walang pakialam sa abang kalagayan ng mga pensiyonado ng SSS na karamihan ay matatanda na, mahihirap at regular na bumibili ng maintenance medicine.
Pero kung malalaking bonus ng SSS officials ay mabilis pa sa kidlat nilang ipinatutupad.
Ano ba ang background nitong si De Quiros at katulad ng ibang trapo ay kontra-mahirap? Bilang public servant may tungkulin siyang maglingkod para sa tao at hindi ang interest lamang ng gobyerno ang binibigyan niya ng proteksiyon.
Sa laki ng asset ng SSS ay imposible na ito ay maubos. Isa pang dapat gawin ni De Quiros na hindi niya ginagawa batay na rin sa reklamo ng maraming SSS members ay ang hindi pagreremit ng maraming employers sa buwanang kontribusyon ng kanilang mga kawani.
Tungkulin niya na habulin at kasuhan ang lahat ng employers na hindi nagbabayad sa buwanang sapi.
Ang kailangang gawin ni De Quiros ay dedikasyon sa kanyang trabaho, gumamit ng puso at malasakit sa mga mahihirap na kasapi sa SSS at hindi magreklamo.