^

PSN Opinyon

P2 billion para maging presidente

- Al G. Pedroche - Pilipino Star Ngayon

WOW naman! Nakalululang  halaga pala ang magagastos ng isang nag-aambisyong maging Presidente ng Pilipinas sa 2016. Dumadagundong na P2 bilyon.

Sinabi ito ng pinagpipitaganang dating Supreme Court Chief Justice na si Reynato Puno. Dahil dito aniya, dapat isulong ang pagbabago ng sistema ng gobyerno sa pamamagitan ng charter change na idaraos sa pamamagitan ng Constitutional Convention.

Nagsalita kamakailan si Puno sa forum on Constitutional reform sa University of the East kahapon. Aniya, sa ilalim ng batas, maari lamang gumastos ang kandidato sa pagka-pangulo ng P15 kada botante. Pero sa katotohanan, higit dito ang ginagastos nila.

Kung pagbabasehan aniya tinatayang 55 milyong re­histradong botante para sa 2016, ang isang kandidato sa pagka-pangulo ay maaaring gumastos sa kampanya ng P825 milyon, na isa nang napakalaking halaga. Pero dahil kailangan pang bumayad sa mga  komersyal sa radio at telebisyon ang P825 million ay kulang pa. Ang isang 30 segundong patalastas sa nangungunang istasyon ng TV ay nagkakahalaga na ng mahigit P700,000 hanggang P800,000. Suma total, sa 10 patalastas pa lamang kada araw, gagastos na ang isang kandidato ng walong mil­yong piso. Ani Puno, mabuti pang baguhin ang Article VII, Section­ 2 ng 1987 Constitution na nagsasabing ang kuwa­lipikasyon sa pagkandidato sa pagka-pangulo ay pagi­ging natural-born citizen, rehistradong botante, maru­nong mag-basa at magsulat, at naninirahan sa Pilipinas sa nakaraang 10 taon.”

Dagdag ng dating Chief Justice, dapat na ring gawing kuwalipikasyon ang pagkakaroon ng  depositong hindi kukulanging sa isang bilyong piso o may kakayahang mangilak ng kontribusyong ganito kalaki, dahil ginagawa lamang nating katawa-tawa ang ating Saligang Batas. Si Puno ang nagunguna sa kilusang Bagong Sistema, Bagong Pag-asa.

Isunusulong ng kilusang ito ang pagpapatawag ng isang Referendum kasabay ng halalan sa Mayo upang tanungin ang mga mamamayan kung nais nilang baguhin ang 1987 Constitution  sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention.

Ayon kay Puno, kritical ang darating na halalan dahil kung sino man ang mahalal ay kailangang “paghilumin ang malalalim na sugat ng lipunan at siguruhing hindi mababawasan ang teritoryo ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.

 

 

ACIRC

ANG

ANI PUNO

BAGONG PAG

BAGONG SISTEMA

CHIEF JUSTICE

CONSTITUTIONAL CONVENTION

ISANG

PERO

PILIPINAS

PUNO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with