‘Di na kayang pasanin’

KAMI’Y NAGPAPASALAMAT SA TIWALA na ipinagkakaloob ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFW’S) at ang kanilang pamilya na lumalapit sa amin para idulog ang kanilang suliranin.

“Dumura na ng dugo ang misis ko sa gutom at hirap ng trabaho. Ang mga bata binabato pa siya ng sapatos. Sino ba ang tatagal sa ganyang uri ng bahay na pinapasukan?” ayon kay Michael.

Nakatira sa Cagayan Valley ang pamilya nina Michael Alipio. May limang taong gulang silang anak na babae ng asawang si Lovely. Pagtatanim ng palay ang pinagkakakitaan nila.

“Nagkakapera kami kapag nag-aani. Ilang buwan pa ang kailangan naming hintayin,” ayon kay Michael.

Wala rin silang sariling lupa na sinasaka kaya naman arawan kung bayaran sila sa pagtatanim. Lagi silang kinakapos at kahit anong pagtitipid ay talagang kulang ang kinikita nila.

Isa sa pangarap nilang mag-asawa ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak. Gusto rin nilang magkaroon ng sariling sakahan para mas malaki ang kikitain nila at hindi na makikiamot sa iba.

Nang may makilalang recruiter ng Jobstar International Manpower Services si Lovely ito na ang inisip niyang sagot sa kanilang mga pangangailangan.

Nag-apply si Lovely bilang household worker sa Dammam.

Mula Cagayan Valley lumuwas si Lovely dahil may employer na raw siya sa Dammam. Matapos niyang makumpleto ang mga papel na kailangan nakaalis na siya ng bansa noong Nobyembre 2, 2014.

Maganda naman ang trato sa kanya pero kinuha nito ang dalang cellphone at maging ang gamot nito sa sakit ng ulo.

Kalaunan nagsusungit na ang among babae sa kanya. Halos lahat ng trabaho nakaatang sa kanya. Tatlong palapag ang bahay at limang anak ng employer ang inaalagaan.

Hindi rin daw ito nakakahawak ng pera sapagkat bawal umano doon na hawakan ni Lovely ang kanyang sahod. Ang employer nito ang nagpapadala ng pera sa pamilya ni Lovely dito sa Pilipinas.

“Unang buwan niya dun nakabasag siya kaya’t ibinawas sa sweldo niya. Ang usapan kasi nila ng ahensiya Ph18,000 ang sahod bawat buwan,” ayon kay Michael.

Labingtatlong libong piso ang unang padala sa kanya bawas na ang gamit na nabasag ng asawa. Nagsimula na ring manigaw ang kanyang amo.

“Nung tinawagan ko siya nagmamakaawa ang misis ko. Tulungan ko raw siyang makauwi, dahil hindi niya na kaya ang mga ginagawa sa kanya,” kwento ni Michael.

Minsan lang daw ito kung pakainin idagdag mo pa ang bigat ng trabaho. Tatlong palapag pa ang nililinis nito. May pagkakataon pang sinabunutan ito ng kanyang amo at ginupitan ng buhok.

“Kahit yung mga anak ng amo niya binabato siya ng sapatos. Pumapayat na siya at kahit nanghihina pinipilit niyang magtrabaho huwag lang mapagalitan,” salaysay ni Michael.

Sa pag-aalala niya sa misis at sa hirap ng dinadanas nito lumuwas siya ng Maynila at nagpunta sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang humingi ng tulong para maialis si Lovely sa among pinaglilingkuran.

Lumapit na rin siya sa ahensiya ni Lovely upang ireport ang nangyari. Nangako ang mga itong tutulungan silang mag-asawa.

“Maghanap daw kami ng kapalit ng asawa ko. Tapos pinipilit pa nilang tatawagan na lang daw ako,” pahayag ni Michael.

Bilin sa kanya bumalik na lang daw sa ahensiya si Michael kapag nasa ahensiya na nila sa Dammam ang misis.

Nung sumunod na magtanong si Michael sabi raw ng ahensiya sa kanya nasa counterpart agency na nila sa Dammam ang kanyang misis.

Kinansela na raw nila ang ‘Iqama’ (working visa) ni Lovely. Nagtatanong sila kung ano ang susunod na mangyayari ngunit maghintay lang daw sila.

“Hindi sila tumatawag sa amin para malaman kung ano na ang lagay ni Lovely. Tinawagan ko ang misis ko para itanong kung talagang nasa ahensiya na siya sa Dammam pero sabi niya wala raw. Nandun pa rin siya sa amo niya,” pahayag ni Michael.

Sumasama ang loob ni Michael dahil nagsinungaling sa kanya ang ahensiya. Pinapaasa lang daw sila na makakauwi na ang kanyang misis at nasa maayos na itong kalagayan.

 Wala naman daw silang gusto kundi ang maialis ang misis sa hirap na kinasuotan nito. Hindi na din siya mapakali sa kanila kaya napagpasyahan niya nang humingi ng tulong sa kinauukulan.

“Tinitiis naman ng misis ko ang trabaho pero talagang hindi niya na kaya. Mas mabuti pang magtanim na lang kami ng palay basta hindi lang siya nasasaktan,” sabi ni Michael.

Sa ngayon hangga’t walang linaw ang kalagayan ng misis hindi pa umuuwi si Michael sa Cagayan Valley. Halos isang buwan na siyang nandito sa Manila at nakikitira sa kanyang tiyahin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi lamang si Lovely ang dumanas ng ganitong uri ng pagtrato sa ibang bansa lalo na sa Gitnang Silangan. Sinasaktan at madalas hindi pinapakain kapag hindi pa tapos ang mga gawain.

Ang ahensiyang nagpaalis sa kanya ang dapat na maghanap ng kapalit ni Lovely dahil sila naman ang nagpadala rito sa kasalukuyang employer. Sila ang unang nakipag-usap dito at nabayaran naman sila at kumita pa.

 Sila din ang dapat na magbayad ng tiket nito at makipag usap sa employer upang hayaan na itong makaalis.

Nag-email kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs upang nakipag-ugnayan kay Ambassador Ezzedin H. Tago na namamahala sa ating mga Overseas Filipino Workers sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia.

Maaaring magpadala ng tao ang ating ‘Consul General’ upang bisitahin nila si Lovely upang masiguro kung ano nga ba ang pinagdadaanan nito sa amo.

Kung sakaling hindi maganda ang pagtrato sa kanya ay gagawa ng paraan ang embahada upang maialis ito doon.

Ang Philippine Overseas Employment Agency naman sa pamumuno ni Administrator Leo Hans Cacdac ay maaaring ipatawag ang agency na nagpaalis kay Lovely at kapag hindi sila kumilos patawan ng ‘Order for Preventive Suspension’.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments