ANG pangunahing dahilan kung bakit ang Makati, Quezon City at iba pang mga lungsod ay nalalampasan noon ang Lungsod ng Maynila sa asenso, kalidad ng buhay at iba pang pamantayan ng matagumpay na local government unit ay dahil kakaunti ang pera ng Maynila. Kapitolyo man itong naturingan, sa matagal na panahon ay naging kulelat ito sa mga karatig lungsod dahil lang hindi mapantayan ang bulusok ng pagpasok ng pera sa kanilang mga kaban.
At bakit nga ba hindi makasabay? Dahil sa buwis. Noong 1993, ipinasa ng lungsod ang Manila Revenue Code na naglayong itaas ang mga ipinapataw na buwis sa taxpayers ng Maynila sa mga rate na kahanay sana ng Quezon City, Makati at iba pang mga higanteng lungsod. Ang buwis ang pangunahing pinagkukunan ng salapi ng isang lungsod – lalo na ang business taxes at ang parte nito sa real property tax. Noon pa man sana’y kabalikat na ng Capital City ang pag-angat ng mga dati’y maliliit lang na bayan na dahil sa kaluwagang dulot ng mataas na buwis ay kinayang maki-pagsabayan sa Maynila.
Ang masaklap na kuwento ay kinuwestyon sa korte ang Manila Revenue Code noong 1993 at kahit pa kinatigan ito sa huli ng Supreme Court, dahil sa tagal ng panahon at sa takot sa pampublikong opinyon kontra sa tax increase, napako ang mga tax rate ng Maynila sa mga lumang baitang. For example, nang ang Quezon City, Makati at iba pa ay nanini-ngil sa mga negosyo ng business tax na 2% hanggang 3% of gross sales or receipts, ang Maynila ay kumokolekta lang ng .02% of gross sales or receipts. Papaano nga namang hindi mangungulelat? Halos 20 years nang nakinabang ang mga negosyante sa Maynila sa “freeze” sa tax increase. Ang kapalit naman nito’y ang araw araw na inggit sa kapitbahay mong yumayaman.
Ito ang realidad na kinaharap ni Mayor Joseph E. Estrada nang siya’y maupo sa 2013. Kung kaya ang ginawa niya agad ay itinulad ang business tax rate sa lebel na sinisingil ng iba pang lungsod sa Metro Manila. Ang kaluwagang hatid ng increase sa kaban ng lungsod ay nagdulot ng biyaya at ginhawa na nagbunga agad, kasama ng propesyonal na pamamalakad, ng rekognisyon bilang most competitive city batay sa “economic dynamism, government efficiency, and infrastructure.” Naungusan nito ang two time winner na Makati City.