BATID natin ang gawi nila sa Ehekutibo. Si Budget Sec. Flo-rencio Abad ang umimbento ng Disbursement Acceleration Program (DAP), ang P75-bilyong presidential pork barrel na ipinagbawal ng Korte Suprema. Si Transport Sec. Joseph Abaya ang pumirma sa mga maanomalyang MRT-3 maintenance at siraing LTO vehicle plate contracts. Si Agriculture Sec. ang hepe ng mga kawatan na nag-overprice ng presyo at cargo handling ng bigas mula Vietnam, at nag-protekta sa cartel ng sibuyas at gulay.
Sa ganyang asal ng tatlo, maniniwala ba tayo na wala silang ginawang “himala” sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), nu’ng sila’y mga congressmen pa?
Si TESDA Sec.-Gen. Joel Villanueva ang ginagawang ehemplo ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na “walang selective justice” sa paghahabla sa PDAF scam o pagtugis kay VP Jojo Binay. Malapit umano si Joel kay, at malimit purihin ni President Noynoy Aquino, pero hinabla pa rin ng NBI at ni Sec. Leila de Lima.
Pero ang tanong: Bakit pinalusot ng NBI/De Lima ang mga Liberal Party officers na Abad, Abaya, Alcala, at Mar Roxas? Di ba’t nabunyag na noon na sangkot sina Alcala at Roxas, at si Abad pa ang nagturo kay Janet Lim Napoles ng pasikot-silot sa budget process, para pinuhin ang PDAF plunder niya?
Nagtataka si Joel. Bakit siya sinangkot gayong NBI mismo ang unang nagsabi na lahat ng 21 dokumento na nagdidiin sa kanya ay peke. Ang request ng P10 milyon PDAF ay nasa pangalan ng Buhay Party (ng anak ni Mike Velarde). Iba naman ang partido ni Joel: CIBAC (Citizens’ Battle Against Corruption). Kesyo sa Compostela Valley ang PDAF project na pinatupad ng district office ni Joel. Pero wala naman record sa Kongreso ng project o opisina si Joel doon. Sa pag-e-ehemplo kay Joel ng Hustisya, niyuyurakan ng LP ang Hustisya. Matakot tayo: Sino kaya ang susunod na yuyurakan ang karapatang pantao?