NABUKING sa isinagawang Cabinet meeting noong Lunes ang bilyones na pondong natutulog at nakatengga lang para sa mga proyektong imprastruktura ng gobyerno. Ang mga Gabinete, nasa estadong ‘command mode.’ Hindi makakilos kung hindi pinupukpok. Naghihintay lagi ng mando sa pangulo at hindi kayang magdesisyon sa mga pinamumunuan nilang departamento. Yan ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Noy Aquino.
Kabaliktaran ito sa sistemang ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Napakabilis nilang mag-release ng pondo kaya ang komisyon ng mga ‘PG’ (patay-gutom) at ‘TL’ (tulo-laway) na pulitiko, mabilis din. Wala pa man yung proyekto pero ang kickback at kawat, nauna na.
Sa administrasyon ni P-Noy, sadyang ipinaiiral daw ang due diligence para matapyasan ang kurapsyon. Sa proseso palang ng mga proyekto, napakatagal na. Kaya ang mga ‘commissioner’ na senador, kongresista, gobernador at mayor nawawalan ng gana. Ibig sabihin, mayroon nang nakalaang pondo sa mga proyekto, aktibidad at programa ng gobyerno pero ang pag-release ng pondo mabagal. Ang napi-perwisyo tuloy, ‘yung mga benepisyaryo at taumbayan.
Mismong ang Asian Development Bank (ADB) na ang nagsabi, napag-iiwanan na ang Pilipinas o nasa ika-95 pwesto sa 144 na mga bansa kung titingnan ang imprastruktura. Sa survey ng World Economic Forum (WEF) sa mga bansa sa Asya, China pa rin ang nangunguna na pilit inaabot at baka maungusan daw ng India sa mga modernong imprastruktura.
Agresibo din ang Japan na pinagaganda ang kanilang fiscal management o paglalaan ng pondo sa kanilang projects, activities and programs o PAPS. Hindi na daw sila mangungutang sa mga Chinese bank.
Milya-milya na rin ang layo ng Vietnam na kamakailan lang binuksan ang kanilang pintuan sa mga dayuhang imbestor na gustong mamuhunan at magnegosyo sa kanilang bansa. Papagandahin pa raw ng kanilang gobyerno ang mga nakatayo nang imprastruktura.
Sa Pilipinas ang flagship ng administrasyon na Public-Private Partnership (PPP) sa pagpapaganda ng mga imprastruktura, pangako pa lang at hindi pa nararamdaman ng mga mamamayan. Hindi rin makita ang sinasabi ni Pangulong Noy Aquino na inclusive growth bagkus exclusive growth kung saan ekslusibo lang ang mga yumayaman. Kung sino lang ang mga malalapit sa admisitrasyon, sila lang ang nabibigyan ng mga pabor, naaambunan at nakikinabang.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.