ILANG babala na ang narinig natin na masama ang El Niño ngayong taon. Ayon sa US National Oceanic and Atmospheric Administration, maaaring ito na raw ang pinakamalakas na El Niño magmula 1997. At tila nagaganap na nga. Parang hindi tag-ulan. Napakainit, at kung umulan man, sandali lang. Ang El Niño ay isang kaganapan kung saan umiinit ang temperatura ng gitnang bahagi ng karagatang Pasipiko. Tumatagal ito ng siyam na buwan hanggang dalawang taon, depende sa tindi ng El Niño. Sa Pilipinas, ang epekto nito ay init ng panahon at mga buwan ng tag-tuyot.
Ngayon pa lang ay tinatalakay na ng Palasyo ang mga paghahanda kung lumala pa ang El Niño, na maaaring tumagal hanggang unang apat na buwan ng 2016. Una na rito ay ang produksyon at suplay ng pagkain para sa bansa, pangalawa ay ang suplay ng tubig. Kung wala nga namang ulan, walang naibabalik na tubig sa mga dam. At kung walang tubig sa mga dam, walang tubig na rin para sa irigasyon at para sa mga hayop. Kapag bumaba pa nang husto, wala nang tubig para sa lahat. Seryoso ang sitwasyon, kaya binibigyan ng Palasyo ng kaukulang panahon para talakayin at paghandaan ang mga problemang magaganap kung tumodo na ang epekto ng El Niño.
May epekto rin ang El Niño sa ekonomiya ng bansa. Maaaring tumaas ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin. Kung hihina ang produksyon ng pagkain, natural na magmamahal ang lahat, partikular ang bigas. Alam natin kung gaano karaming tubig ang kailangan ng palay para mabuhay. Siguradong magmamahal din ang kuryente, lalo na kung matindi na naman ang init ng panahon. Hindi rin malayo mangyari ang mga rotating brownout. Sigurado magiging mahirap ang buhay.
Kung lumilihis ang mga malalakas na bagyo, sana hindi na rin matuloy ang El Niño. Mabuti nga at ang parating na malakas na bagyo ay hindi muli tatama ng Pilipinas. Hindi ko maisip ang panahon ng tagtuyot na tatagal ng halos siyam na buwan, kasama pa ang Disyembre, Enero at Pebrero kung saan inaasahan ng lahat ang lamig ng panahon. Kung ganito na kainit ngayon, paano pa kaya kapag todo na ang epekto ng El Niño?