NGAYON palang nagkukumahog ang administrasyon sa nararamdaman nang El Niño o malawakang tagtuyot.
Nagdeklara na ng state of calamity ang ilang mga probinsya isa na ang Isabela dahil sa nararanasang kalamidad. Bitak-bitak na ang mga sakahan at daang milyones na ang nasayang. Ang mga pobreng magsasaka, tumitingala nalang sa langit dahil ang gobyerno ngayon palang nagpa-plano.
Nitong Lunes, bago pa man magpatawag ng cabinet meeting si Pangulong Noy Aquino, tinalakay ko na sa BITAG Live ang isyung ito.
Mayroon palang P5 bilyong pondong inilaan ang Se-nate Committee on Environment and Natural Resources sa Department of Agriculture bilang paghahanda sa paparating na kalamidad.
Ang problema, ayon sa chairman ng nasabing komite na si Sen. Chiz Escudero, pumalpak ang ahensya kung saan ang mga nakaupo, sina Proceso Alcala at Kiko Pangilinan.
Iba naman ang sinasabi ng tagapagsalita ng Palasyo na si Abigael Valte. Matagal na raw nakahanda ang gobyerno sa El Niño. Kaya pala nitong Lunes lang ng gabi nagkaroon ng cabinet meeting para sa detalyadong road map. Lokohin n’yong lelong n’yong panot!
Lumalabas tuloy, hindi nakahanda ang pamahalaan sa El Niño. Hindi ito prayoridad sa kabila ng matagal nang kaliwa’t kanang El Niño forecast. Para bang sa aspetong disaster preparedness program, pumapangalawa lang ito sa mga lindol, baha at bagyo.
Sa pilyong pag-iisip ni Juan at Juana Dela Cruz, para bang bahala nang kumalam ang mga sikmura at mamatay ang mga literal na ‘hampas-lupang’ nagpapakain sa atin. Sila na mga unang maaapektuhan tutal mahihirap lang naman sila.
Tulad ng sinabi ko sa aking programa sa radyo at telebisyon kahapon, ang lindol, baha at bagyo, araw lang ang itinatagal sa mga tukoy nang tatamaang lalawigan at rehiyon. Samantalang ang El Niño, mas malawak ang epekto, mas marami ang tatamaan at mas matagal ang saklaw na panahon.
Inamin ng Palasyo na hindi problema ang pondo sa mga programa at proyekto. Ang problema, ang mga inilaang bilyones, natutulog lang at nakatengga sa iba’t ibang departamento.
Kung hindi pa nagpatawag ng cabinet meeting kahapon si PNoy, naghihintay pa rin hanggang ngayon ng mando ang mga gabinete, hindi makapag-desisyon. Ambibilis kung humingi ng pondo pero pagdating naman sa pag-release at implementasyon ng mga proyekto, kilos-suso.
Patuloy na babantayan ng BITAG Live ang usaping ito.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.