Parami na nang parami
KUNG ang hepe ng Japan Self-Defense Force(JSDF) ang masusunod, nais niyang magkaroon ng mas maraming pagsasanay sa pagitan ng AFP at JSDF. Nasa bansa si Admiral Katsutoshi Kawano noong Miyerkules at nakipagpulong sa hepe ng AFP na si Gen. Hernando Iriberri bago nagtungo sa DND para makausap naman si Sec.Voltaire Gazmin. Nais ni Admiral Kawano ng mas madalas na ehersisyo ng mga puwersa ng dalawang bansa, partikular sa amphibious landings at operations. Sumang-ayon naman si Sec. Gazmin pero sinabi na kailangang magkaroon ng Visiting Forces Agreement(VFA) ang dalawang bansa para matuloy ang mga ehersisyo.
Aktibo nga ang Japan sa pagtulong sa atin itong mga nakaraang taon. Bunsod ito ng walang tigil at iligal na paglawak ng teritoryo ng China. Sila mismo ay may problema rin sa China sa pag-angkin ng teritoryo. May pinagtatalunang grupo rin na mga isla. Alam ng Japan na malaki ang kakulangan ng militar ng bansa, kaya panay ang bigay ng tulong.
Siguradong sisimangutan na naman ito ng China. Parami nang parami na ang bansa na aktibong bumabatikos sa mga ginagawa ng China sa karagatan. Kailan lamang ay nanawagan ang isang opisyal ng Great Britain sa kala-yaan ng karagatan at himpapawid sa rehiyon natin. Alam nila ang mga pahayag ng China na gustong kontrolin hindi lang karagatan kundi ang himpapawid na rin. Hindi magtatagal ay mararamdaman na rin nila ang epekto nito. Kahit anong sabihin, mahirap ang maraming kaaway, kahit malakas na bansa pa.
Napapadalas ang mga ehersisyo ng ating militar kasama ang ibang bansa tulad ng Amerika at Japan. Sa Setyembre, magkakaroon nang malaking paradang militar sa Beijing. Ang tingin ng mga eksperto rito ay pakitang lakas sa lahat ng bansa, lalo na sa mga bansang katalo sa teritoryo, kung gaano na kalaki ang kanilang militar. Nababahala ang Amerika at ang European Union na baka hindi maganda ang ipinapahiwatig nito.
Itutuloy naman ng bansa ang pagbukas ng Subic bilang base militar, kahit wala ang mga Amerikano na una nang nagsabi na gustong buhayin ang base. Gagawin ito para may base na malapit sa West Philippine Sea. Hukbong karagatan at himpapawid ng Pilipinas ang gagamit ng Subic. Isa na naman itong pag-iinitan ng China.
- Latest