Buwan ng mga bayani

Maraming bayani itong ating bansa

ngayong Agosto ay dinadakila;

ang pangalan nila’y nasa historya

ang Araw ng Kagitingan sila’y kinilala!

 

Bukod sa kanila may dalawang bayani

na ngayong Agosto sila ay natangi;

ang una’y si Quezon naging Presidente --

pangalawa’y si Ninoy malinis ang budhi!

 

Ang pangulong ito’y si Manuel L. Quezon

hindi n’ya ininda kamatayan noon;

kalayaan natin kanyang ibinangon -

kaya tayong lahat ay malaya ngayon!

Noon ay bago pa itong ating bansa

mga bagong batas ay kanyang ginawa;

at una sa lahat magmahal sa wika

ang Wikang Tagalog ginawang pambansa!

 

Siya’y Presidente na walang katulad

na noo’y namuno sa baya’y matapat

itong ating bansa nabantog sa lahat

at ang bayan nati’y nahango sa hirap!

 

Pangalawang bayani – si Ninoy Aquino

na ang kamataya’y di niya sinanto;

nang siya’y umalis ang bansa’y magulo

nang siya’y umuwi pumayapa tayo!

 

Siya ay senador kaiba sa lahat

lubhang matalino at sa baya’y tapat;

hindi siya sakim hindi siya korap -

nang siya’y umuwi binaril sa tarmac!

 

Kung siya’y buhay pa tiyak bobotohan

posibleng pangulo habang nabubuhay;

itong ating bansa tahimik mayaman

hindi tulad ngayong lubog kahirapan!

Show comments