‘Mula Impiyerno, Balik Lupa’

KAPAG BUMITIW SA KA MAY PAG-ASA bakit ka pa gumising kung nawala na pala sa iyong buhay?

“Konting mali ko lang nananakit na siya. Kung trabaho lang ang pag-uusapan kayang-kaya ko naman,” pahayag ni Donna.

Dalawang beses na naming naitampok ang kwento ng ating kababayang si Donna Garalda. Pinamagatan naming itong ‘Nakatagong Pasahero?’ at ‘Bangis ng amo’.

Sa isang pagbabaliktanaw, nagtrabaho bilang ‘Domestic Helper’ si Donna sa Qatar. Ang ahensiyang Gets International Development Manpower Services ang nagpaalis sa kanya.

Inakala noon ng pamilya ni Donna na buntis ito dahil ilang buwan nang hindi dinadatnan ng buwanang dalaw. Bandang huli nakumpirma nilang hindi ito buntis.

“Nung unang buwan ko dun maayos pa kung makitungo ang employer ko. Habang tumatagal madalas na siyang magalit,” ayon kay Donna.

Palasigaw na umano ito at nanghahampas na sa likod o sa braso. May pagkakataon pang pinalo umano siya nito ng kurdon ng rice cooker.

Konting pagkakamali lang daw niya sampal pa ang iniaabot niya sa amo. Iniisip niya tuloy na kung sa maliit na bagay ay sinasaktan siya ano pa kaya kung malaking bagay ito.

“Kapag nanghihingi siya ng maligamgam na tubig para sa paa niya, saktong init lang ang ibinibigay ko. Bigla siyang nagagalit at sinasampal na lang ako,” kwento ni Donna.

Sa hirap ng pinagdadaanan humingi ng tulong si Donna sa kanyang pamilya rito sa Pilipinas upang mapauwi na lang siya. Lumapit naman agad ang ina at kapatid niya sa ahensiya ngunit hindi umaksiyon ang mga ito.

Nagalit pa raw ito sa kanila. Pumunta na din sila sa Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) para humingi ng tulong.

Alalang-alala sila kay Donna kaya nagpasya na silang magsadya sa amin. Agad namin itong ipinarating kau Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Nakipag-usap siya sa ating embahada sa Qatar para mabisita at masiguro ang kalagayan ni Donna.

Nakipag-ugnayan din sila sa Qatar Agency na Al Sheera Overseas Manpower tungkol kay Donna. Ayon daw sa ahensiya hindi raw nakiki­pagtulungan ang employer ni Donna at lagi pa itong sumisigaw sa tuwing magtatanong sila sa kondisyon ng ating kababayan.

Itinanggi rin ng employer ang sumbong ng pamilya na minamaltrato doon si Donna. Kung gusto raw niyang umuwi ay hahayaan daw siya ng kanyang employer bastat may kapalit lang ito.

“Nung maramdaman ng employer ko na nagrereklamo na ako hindi niya na ako sinasaktan. Puro sigaw sigaw na lang siya,” sabi ni Donna.

May pagkakataon din na binawi ng kanyang amo ang sahod niya dahil nalamang humihingi siya ng tulong. Sa bandang huli naibalik din naman ito.

Habang naghihintay sa Qatar si Donna pinapunta naman namin ang kapatid niyang si Roselle kay Admin. Hans Leo Cacdac ng POEA upang maipatawag ang Gets International para sa hinihinging kapalit ng employer ng amo ni Donna.

“Sabi sa amin doon ini-report daw ng ahensiya na maayos na ang kalagayan ng kapatid ko at wala ng problema. Wala namang katotohanan yun,” salaysay ni Roselle.

Sa puntong ito ‘suspended’ ang Gets International dahil sa hindi pag-aksiyon sa problema nina Donna.

Gumawa ng hakbang si Admin Cacdac upang mapauwi at mapa­nagot ang kanyang ‘recruitment agency’ sa mga nangyayari sa kanya dun.

Ilang linggo ang nakalipas naki-usap daw ang ahensiya kay Roselle na pumunta raw sila sa POEA at sabihing nakikipagtulungan na sila para matanggal ang pagkaka-suspend nito.

Sa kagustuhang makauwi si Donna pumayag sina Roselle sa kondisyong ito.

“Narinig ko na may kausap ang amo ko. Sabi papayag na daw siya basta bayaran lang ang lahat ng nagastos sa akin at bibigyan siya ng dalawang kasambahay,” pahayag ni Donna.

Lingid sa kaalaman ni Donna at ng kanilang pamilya, si Admin Cacdac ay pinakilos ang kanyang mga tauhan. Naging positibo naman ang resulta.

Nagkaroon ng pag-asa si Donna na mas makakauwi na siya sa Pilipinas. Pagdating ng Hulyo 2015 sinabihan na siya ng agency niya na  tawagan ang kanyang pamilya at magbayad na lang sila kasama ng pagbili ng tiket niya pauwi.

“Ikapito ng Agosto hinatid nila ako sa airport. Pauwi na ako ng Pilipinas,” sabi ni Donna.

Nang makita niya ang kanyang pamilya dun niya lang naramdaman na ligtas na siya sa kahit na anong pananakit sa kanyang amo.

Napag-alaman niya ding walang binayarang kahit na ano ang pamilya para siya makauwi at sinagot na ito ng ahensiya pati ang tiket niya pauwi.

“Maraming-maraming salamat po sa pagtulong ninyo na makauwi ako. Parang nagkaroon na ako ng trauma sa nangyari sa Qatar,” sabi ni Donna

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ahensiya kapag nakatapat ka ng employer na mabigat ang kamay pati ikaw hihilahin nito pababa. Tulad na lamang ng nangyari sa Gets International.

Nananakit ang employer ni Donna kaya naman nagreklamo ito at humingi ng tulong. Kung agad nila itong inaksiyunan at hinanapan na lamang ng kapalit hindi na dadating sa puntong kailangan pa silang suspindihin para lang magising at malaman kung anong hakbang ang dapat nilang gawin.

Mahirap gumising bawat araw na nasa isang lugar ka na hindi pareho ang inyong kultura at salitang ginagamit ng iyong pinaglilingkuran. Kaunting pagkakamali mo sakit ng katawan lang ang aabutin mo.

Nagpapasalamat din kami sa pag-aksiyon ng POEA sa pangunguna ni Administrator Hans Leo Cacdac upang kalampagin ang ahensiya sa kanilang obligasyon kay Donna.

Kung hindi sa mga ito malamang nasa impierno pa rin ang ating kababayan at dumaranas ng iba’t-ibang hirap.

Maganda rin na meron nirerespeto at kinakatakutan ang mga recruitment agencies na kumikita sa bawat OFW tulad ng POEA at ang kanilang pinuno para agad nilang intindihin ang kalagayan ng kanilang mga workers.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments