PAGKASUKLAM kay VP Jojo Binay ang dahilan sa pagnanais na ngayon ni Pangulong Noynoy magkaroon ng Anti-Political Dynasty Law. Dahil kapwa-dynasty ni Binay, nilabanan niya bilang noo’y mambabatas ang mga panukalang batas na magpapatupad sana sa pagbabawal na saad sa Konstitusyon. Kontrolado ng mga Aquino-Cojuangco at Binay ang pambansa at lokal na pulitika. Si P-Noy ay may pinsan na senador, mga pinsan at kapapanaw pa lang na tiyo na kongresista, at mga lokal na opisyal sa Tarlac at Antipolo City. Si Binay ay may mga anak na senador, kongresista, at mayor ng mayamang Makati City.
Pero naghiwalay ng landas politika sina P-Noy at Binay. Banatan na sila ngayon sa publiko. Bawat salita ng isa, tinutuligsa ng kabila.
Kamakailan sinabi ni Binay, sa pagtatanggol ng kanyang political dynasty, na hindi rin siya sang-ayon sa term limits. “Dapat one-to-sawa,” aniya, hayaang kumandidato ang nais magsilbi hangga’t ibinoboto ng tao.
Sumbat naman si P-Noy sa SONA 2015: “Kumontra ako noon na pagkaitan ang tao ng karapatang tumakbo, dahil lang sa apelyido niya... Pero, mali rin ang pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibidwal... Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensiyon ng mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang Anti-Dynasty Law.”
Miski galit lang kay Binay ang motibo ni P-Noy, puwede na para sa mga lumalaban sa political dynasties batay sa prinsipyo. Mali talaga ang dynasties, dahil sinosolo ng pamilya ang poder at perang pambansa at lokal. Hindi lalampas sa isang-daang pamilya ang naghahari sa mga probinsiya mula nang mga huling dekada ng rehimeng Kastila. Hangang ngayon sila pa rin ang nakaupo. Walang inunlad ang mga pook nila. Kaya sana, sa kanyang mga huling buwan sa Panguluhan, isulong ni P-Noy ang mahalagang repormang pampulitika -- kontra sa dynasties.