HINDI na mahalaga kung ano ang totoong motibasyon ng mga nasa likod ng isyu ng umano’y kuwestiyunableng pagkamamamayan ni Senator Grace Poe.
May ilan kasing nakikisawsaw at nagsasabing bahagi lang ito ng pamumulitika sa nag-aambisyong maging pinuno ng bansa na hanggang ngayon hindi pa rin pumipiyok.
Pero para sa BITAG Live, hindi na mahalaga kung pamumulitika at taktika lang ito ng mga katunggali ni Poe sa 2016 national elections.
Ang mahalagang punto rito na dapat malaman at maunawaan ng publiko ay kung legal nga ba, kuwalipikado at balido siyang tumakbo sa pagka-pangulo sa susunod na taon.
Kung agarang masasagot at mareresolba ni Poe ang mga ipinupukol na intriga sa kanya, ngayon palang matutuldukan na ang isyu. Siya ang unang makikinabang at pangalawa nalang ang taumbayan.
Ang problema, hanggang ngayon hindi pa rin siya nagsasalita at nagpipresinta ng mga dokumentong makakapagpasinungaling sa mga ipinupukol sa kanya ng mga spin doctor ganundin ang isang nagngangalang Angelito David.
Lalo lang tuloy nagpipista ang media maging ang social networking sites sa kanyang citizenship issue at damay na rin ang tagal ng kanyang paninirahan sa Pilipinas.
Hawak ng senadora ngayon ang bola na siya ring maaari niyang gamitin sa kanyang pagtakbo, kung tutuloy man siya sa darating na halalan.
Kung sa korte isinampa ang reklamo laban sa kanya, sa korte rin dapat siya mag-presenta ng mga ebidensya laban sa mga ibinabatong alegasyon sa kanya.
Korte na ang magdedesisyon kung maiku-kunsidera itong pamumulitika sa kanya o talagang sabit nga ba sa legalidad ang inaambisyong puwesto.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.