Seryoso na

NAGIGING seryoso na ang isyu ng pag-aangkin ng China sa karagatan, at ang kanilang walang humpay na reklamasyon at paggawa ng mga istruktura sa mga islang pinagtatalunan pa ng ilang bansa. At may mga bansa na gustong tulungan tayong bantayan ang karagatan. Gustong magbigay umano ng Japan ng tatlong TC-90 King Air airplane, na puwedeng lagyan ng radar para magamit pang-patrol sa karagatan. Kung matutuloy ito, siguradong ikagagalit ito ng China, pero mapapalakas naman ang ating relasyon sa Japan. May isyu rin kasi ang Japan sa China hinggil sa teritoryo, kaya alam ang pinagdadaanan ng bansa sa malawakang pag-aangkin ng China sa karagatan.

Kailan lang ay nakatanggap tayo ng dalawang barko mula Australia. Dalawang lumang military landing craft ang lalagyan ng mga modernong kagamitan para magamit sa mga sitwasyon tulad ng Yolanda. Nakita ng Australia ang kakulangan ng ating kagamitan para tulong sa mga bikima ng kalamidad. Magagamit din ang mga barko sa paghatid ng mga supplies sa lahat ng bahagi ng bansa, pati na sa BRP Sierra Madre. Hindi malayo na tulungan na rin tayo sa gamit militar, dahil hindi rin sila sang-ayon sa ginagawa ng China. 

Nagpahayag ang China na itinigil na raw nila ang reklamasyon ng mga isla. Pero tulad ng inaasahan sa China na doble-kara, magsisimula naman ang pa-ngalawang bahagi ng kanilang mga aksyon sa karagatan. Dahil nakagawa na ng mga isla, magtatayo na ng kung anu-anong istruktura, tulad ng mga malalaking runway. Hindi magtatagal ay magkakaroon na ng sundalo sa mga ginawa nilang isla.

Hindi pa rin natitinag ang China kahit maraming bansa ang nagpapahayag ng pagkadismaya sa kanilang mga kilos sa West Philippine Sea. Alam kasi nila na mas importante pa rin ang kumita ng pera. Ang China ay may pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo, kaya arogante sa mga isyu na ito. Kahit ano pa ang batikos sa kanila, alam na hindi mauuwi sa pagputol ng relasyon sa kanila. Sana lang ay makita ng mundo na seryoso na nga ang isyu, at hindi na puwedeng palampasin o pabayaan ang mga maliliit na bansa na makipagtunggali sa China.

 

Show comments