EDITORYAL - Wasakin ang drug dens

KAPURI-PURI ang isinagawang pagsalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pugad ng illegal na droga sa Barangay 188 Caloocan City noong Miyerkules ng umaga. Arestado ang 21 katao sa nasabing pagsalakay. Sampung shabu dens ang nadiskubre sa lugar na umano’y protektado ng barangay chairman. Ayaw pang payagan ng barangay chairman ang pagsalakay sa kanyang lugar subalit may bitbit na 14 search warrants ang CIDG.

Sa loob ng dens ay may sistema kung paano oorder ng shabu ang sinumang gagamit. May maliit na window para sa pagbabayad ng inorder na shabu. Pagkatapos magbayad ay kukunin ang inorder na shabu sa kasunod na maliit na window. Pagnakuha ang order, aakyat na sa itaas ng bahay ang customer at doon isasagawa ang session. Solb na solb!

Dapat purihin si CIDG Director Benjamin Ma­galong sa isinagawang pagsalakay. Patindihin pa ng CIDG ang pagsalakay at pagwasak sa shabu dens sa Metro Manila. Nasaan naman kaya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at tila nabahag na ang buntot sa drug traffickers.

Malala na ang problema sa illegal na droga sa bansa at kung hindi magdo-double time ang drug enforcement agencies, lalo pang darami ang mga sugapa sa droga. Maraming mawawasak na kinabukasan. Tataas ang krimen at mababalot ng takot ang mamamayan.

Ayon sa Dangerous Drug Board (DDB) tinatayang 1.7 milyong Pinoys ang sugapa sa pinagbabawal na droga. Sinabi pa ng DDB, taun-taon, 1,700 ang namamatay dahil sa paggamit ng droga.

Sa kasalukuyan, hindi lamang sa Metro Manila laganap ang bawal na droga kundi pati sa mga liblib na lugar. Maski ang mga lugar na wala pang kuryente at kalsada ay narating na ng salot na shabu at ginagawang “halimaw” ang mga kabataan at maski may edad na. Paigtingin ang paglaban sa bawal na droga.

 

Show comments