MAY mga school na ngayong Agosto pa lang mag-sisimula ng klase. Matagal nang mungkahi ito na gayahin ang pagsimula ng klase sa ibang bansa. May kinalaman din ang panahon ng tag-ulan at bagyo sa bansa, sa mungkahi na simulan ang klase sa Agosto. Kaya may mga school na nagpasyang magsimula ngayon buwan. At nararamdaman na natin ang epekto nito sa kalsada. Matindi muli ang trapik, lalo na sa mga oras ng pagpasok ng mga mag-aaral, pati na rin sa oras ng uwian.
Ang ginawang dahilan kung bakit Agosto ang pagsimula ng klase ay dahil kadalasan ay naiipit ang mga mag-aaral sa school kapag bumuhos ang malakas ang ulan. Ang Hunyo at Hulyo ay kilala para sa malalakas na ulan. Pero ganun ba ang naganap ngayong taon? Parang mainit pa nga ngayon, at madalang ang ulan. May mga ilang bagyong dumaan, pero ilang araw lang ay nalusaw na rin.
Dinahilan din na gustong isabay sa pagsimula ng klase sa ibang bansa, para maayos ang mga plano kung sakaling may balak magtrabaho sa labas ng bansa. Ang mahirap lang ay hindi lahat ng school ay sumunod sa mungkahi na ito. May mga nagsimula pa rin noong Hunyo. Maganda sana kung lahat ay sumunod sa anuman ang pinagkasunduan, para uniporme ang lahat ng schedule. Katulad niyan, ang mga nagsimula ng Agosto ay may pasok pa rin ng mga buwan ng Abril at Mayo, habang bakasyon naman ang iba. Sigurado may epekto ito sa mga bata na nasanay na walang pasok sa panahon ng tag-init. Kapag bakasyon na sila, tag-ulan na naman. Ang mga nasanay na magbakasyon ng Abril at Mayo ay mapipilitang magbakasyon ng Hunyo at Hulyo.
Mahirap talaga magbago ng mga nakasanayan. Kahit ako, sanay ako sa Abril at Mayo na walang pasok. Kaya naninibago nga ako sa schedule ng ilang mga pamangkin ko. Kung may plano ang DepEd na ayusin ang magkaiba-ibang schedule ng pasukan, sana magawa na sa lalong madaling panahon. Pag-aralang mabuti ang mga benepisyo, at perwisyo sa pagbago ng schedule. Nakarinig nga ako ng reklamo mula sa ilang magulang na higit apat na buwan ang naging bakasyon ng kanilang mga anak. Kaya hirap na hirap bumalik sa school. Hindi na siguro ito mangyayari sa susunod na taon.