NAGLABAS ng ulat ang People’s Liberation Army ng China na nais palawigin ang kakayanan ng kanilang hukbong himpapawid sa pagbantay at pag-atake, partikular sa lugar ng kanlurang bahagi ng Pacific Ocean. Sa madaling salita, bukod sa karagatan na inaangkin, pati ang himpapawid ay aangkinin na rin. Hindi talaga makuntento sa karagatan, pati himpapawid ay kanila na rin. Ang lugar na nais makalamang nang husto sa pamamagitan ng paglakas ng hukbong himpapawid ay ang himpapawid malapit sa Japan, Taiwan at Pilipinas.
Wala talagang katotohanan ang mga pahayag ng China na seguridad ang kanilang pakay sa rehiyon. Ang nais ay tapatan ang Amerika sa kanilang lakas militar, dahil nakikita na nila na darating ang panahon na magkakatunggali na sila. Ano pala ang mangyayari kapag nagkasabay na sila sa himpapawid? Ang ulat ay nagsasaad ng kahalagahan ng pagbili o paggawa ng mga bagong sandata para matapatan ang kakayanan ng Amerika, at para maghari sa rehiyon.
Ang nais ay magkaroon na rin ng mga unmanned drones tulad ng Amerika, mga strategic bombers na may kakayanang magdala ng mga cruise missiles, bago at modernong eroplanong pandigma at smart bombs. Sa madaling salita, kung ano ang meron ng Amerika, dapat sila rin, o higit pa. Nakikita nila na makikialam ang Amerika kung sakaling mas lumaki pa ang krisis sa rehiyon. Ngayon pa lang ay tila nagkakagirian na ang dalawang malalakas na bansa sa mga maaanghang na salita.
Kung hindi ito problema para sa lahat ng bansa sa rehiyon, ewan ko na. May pangalawang aircraft carrier na ginagawa na ang China. Para saan ang aircraft carrier kundi para mahigpitan nang husto ang kapit sa karagatan? Para na silang Japan noong mga panahon bago nagsimula ang World War 2. Patagong pinalakas nang husto ang hukbong karagatan, dahil may mga plano na silang sakupin ang malaking bahagi ng Asya. Kaya nababahala rin ang Japan dahil alam nila ang mga ganitong klaseng kilos. Alam nila na hindi mauuwi sa maganda. Kung ganito lang ang mga nais gawin na ng China, hindi ba dapat kumilos na ang buong mundo? O mas mahalaga pa rin ang negosyo sa kanila?