Ang phobia ay ang hindi maipaliwanag na matinding takot sa ano mang bagay. Kaya kung may mga politiko na natatakot sa posibleng pananalo ni Sen. Grace Poe sa 2016 presidential polls, tawagin natin itong “poe-bia” o takot kay Poe.
Mukhang green and go na kasi ang balak ni Grace na humirit sa panguluhan na ang kanyang magiging vice ay si Sen. Chiz Escudero. Tila walang epekto ang panunuyo ni Presidente Noynoy sa kanya na magsakripisyo at pumayag maging VP running mate ni Mar Roxas. Kaya ang sabi ni Roxas, siya na ang personal na manunuyo kay Grace at baka sakaling makuha ang matamis na ”oo.”
Sari-sari nang personal na paninira ang pilit pinasisi-ngaw laban kay Poe bukod sa isyu ng kanyang citizenship. Ang pinakahuling isyu laban kay Poe ay ang umano’y pagiging “lasengga” niya na nangailangan ng pagpasok sa kanya sa rehabilitasyon. Naku..sorry pero matalino na ang taumbayan para paniwalaan ang mga ganyang personalang paninira.
Kung sino mang kalaban sa politika ang may pakulo nito, mag-esep-esep kayo dahil tiyak, sa inyo ang buwelta ng ganyang demolisyon.
Mataas kasi ang hataw sa survey ni Grace at talagang malakas ang tsansang manalo sa pagka-pangulo. Kahapon naman ay may isang talunang senatorial candidate na nagtangkang maghain ng reklamo sa Senate electoral tribunal laban kay Poe pero hindi nagtagumpay porke agad itong ibinasura ng Senado. Grabe ano?
Hindi ako apologist ni Grace pero ang tinutumbok ko sa paksang ito ay ang nakalulungkot na katotohanang marumi pa rin ang politika sa ating bansa. Hindi pa rin umaangat ang political maturity natin lalu na ng mga politikong kalahok sa halalan.
Sana naman, mga balidong isyu ang paglabanan. Ibig kong sabihin, ipamarali ang mga magagandang track record para malaman ng tao. Hindi yung sisiraan mo ang kalaban sa politika dahil nangunguna sa rating.
Ang nakikinita ko riyan kapag nakitang hindi na mapipigil si Poe na kumandidato sa pagka-pangulo, pihong bubuhayin ang isyu tungkol sa kanyang citizenship. Ang puntirya niyan ay ma-disqualify si Poe sa pagtakbo porke hindi siya pasok sa prescribed period ng paninirahan sa Pilipinas. Pero ang balita ko, marami na raw mga abogado ang nagboluntaryo para depensahan siya kung sakaling umabot sa ganoong punto.