PAGKATAPOS ni Senator Bongbong Marcos (BBL), Congressman Neri Colmenares (DAP) at Senior Associate Justice Antonio Carpio (West Philippine Sea), si Senator Ping Lacson naman ang humarap sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) community bilang bahagi ng Golden Anniversary lecture series. Si Lacson, isang alumnus ng PLM graduate program, ay nagsalita tungkol sa 2015 national budget at sa mga nakatagong mina sa loob nito.
Sa presentasyon ng senador, naging malinaw sa lahat — lalo na sa kabataang nasa audience --- na punumpuno ng lump sum items ang executive budget. Sa unang 11 pa lang sa 37 line agencies (mga kagawaran sa Gabinete), umabot na sa P424 billion ang mga hindi naka-itemize na appropriations. Ito ay malalaking halaga na maaring magastos batay lang sa diskresyon ng pinuno ng ahensiya. Ito’y reseta para sa korapsiyon at abuso dahil naiwan sa kamay ng ahensiya ang layang makapamili ng kung sino ang papaboran.
Ilang dekada nang pinag-uusapan at pinagmamalaki ng mga Pangulo ang ginagawa nilang budget reform subalit hanggang ngayon, hindi pa rin pala nababago ang patakaran. Iwan lang sa kamay ng isang matapat at seryosong lingkod bayan tulad ni Lacson ay matutunton din ang mga lihim na itinatago ng mga hindi marangal na opisyal. Idinagdag pa niya na malaki rin sana ang maitutulong ng agarang pagpasa ng Freedom of Information Bill.
Mahalaga ang ginagawang pagpupursigi ni Lacson tungo sa pag-unawa ng sitwasyon sa pamahalaan. Ang PLM ay nagpapasalamat na nabiyayaan ng ganitong pagkakataon na makinabang sa kaalaman at karanasan ni Lacson.