Abaya isakdal sa MRT-3, anang mga imbestigador

INAAPELA ng field investigators ang pag-absuwelto ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales kay Transport Sec. Joseph Abaya sa anomalya sa MRT-3. Pinakakasuhan nila ito sa kanya, sa motion nu’ng Hulyo 6.

Nauna rito, Hunyo 26 pinahabla ni Carpio-Morales si dating MRT-3 general manager Al Sanchez Vitangcol III sa pagbigay ng P535-milyong maintenance contract sa PH Trams, kung saan incorporator-director ang tiyuhing si Arturo V. Soriano. Sangkot din sina incoporator-directors Marlo dela Cruz, Wilson de Vera, Manolo Maralit, at Fede­rico Remo. Pero pinawalang-sala si Abaya, sa palusot na pumirma siya sa kontrata dalawang araw pa lang sa trabaho, kaya ministerial lang kuno.

Batay sa ebidensiya, anang field investigators, sabit talaga si Abaya. Ang unang pinirmahan niyang kontrata at para sa anim na buwan, Okt. 20, 2012-Abr. 19, 2013. Pero tatlong beses niya itong in-extend: Abr. 20-Hun. 19, 2013, Hun. 20-Ago. 19, 2013, at Ago. 20-Set. 4, 2013. Pinirmahan din niya at nina U-Sec Jose Lotilla at LRT administrator Honorito Cha-neco ang Notices of Award sa tatlong extension. Samakatuwid, dapat inalam niya kung sino ang mga taga-PH Trams, at malaking kapabayaang kriminal ang hindi paggawa nito.

Ang kabuuang budget para sa kontrata ay P350 milyon, pero lumabis nang mahigit P200 milyon, isa pang pagpapabayang kriminal.

Pinakakasuhan din ng field investigators sina Lotilla, Chaneco, at U-Secs. Ildefonso Patdu, Rene Limcaoco, Rafael Antonio Santos, at A-Sec. Dante Lantin. Hindi kasi nila ginampanan ang responsibilidad na uliratin kung sinu-sino ang mga tao sa likod ng PH Trams.

Papurihan dapat ang magigiting na field investigators: Ryan O. Silvestre, Associate Graft Investigation Officer III; Philip Daniel B. Mathews at James Arnor Borbon, Asso-ciate Graft Investigation Officers I; at Francisca A. Maullon-Serfino, Acting Director, Assets Investigation Bureau, Field Investigation Office 1.

 

Show comments