NATULOY ang malawakang “shake drill” ng MMDA noong Huwebes ng umaga. Eksaktong 10:30 ng umaga, tumunog ang mga sirena bilang senyales na nagsimula nang lumindol nang malakas. Kapag sinabing malakas, ito ang sinasabing “the big one” ng West Valley Fault na sa tingin ng mga eksperto ay malapit nang kumilos. Kada apat na siglo raw ang malaking paggalaw ng fault line, kaya ang susunod ay maaring maganap sa panahong ito. Ang hangad ng MMDA ay maging handa ang lahat kung sakaling maganap ang hindi inaasahan.
At sinikap ng MMDA, kabalikat ang mga lokal na pamahalaan, na gawing parang tunay ang mga pangyayari. May mga gusali at sasakyang nasusunog, may mga “nasaktan”, at may mga “namatay” pa nga. May naganap na looting na inaasahan sa mga ganitong sitwasyon. At siyempre, malawakang gulo at takot. Kumilos ang lahat nang kinauukulang ahensiya – bumbero, pulis, ambulansiya, doktor, mga rescue teams at mga boluntaryo - para harapin ang malawakang krisis na nagaganap sa isang malakas na lindol. Nagtayo ng mga tent hospitals para makapagbigay ng unang lunas sa mga biktima. At marami ang nakilahok. Mga estudyante ng mga paaralan, mga empleyado ng mga kumpanya, mga empleyado ng gobyerno. Pati mga mall ay nakilahok sa pagsasanay. May mga hindi nga alam na may gagawing “shake drill”, kaya akala ay totoong may lindol, at ninerbiyos nang husto. Tila papuri na rin ito sa paghanda ng ehersisyo.
Ito ang kauna-unahang malawakang “shake drill” na ginanap sa kasaysayan ng bansa. Pinuri ng isang eksperto mula Japan ang isinagawang pagsasanay. Sanay ang Japan sa mga lindol, kaya natuwa ang eksperto na ginawa ng bansa. Walang kapalit ang pagiging handa. Ito ang gustong igiit ng MMDA. At sana nga ay ang pagsasanay na ito ay magsilbing pag-umpisang pagiging handa sa lahat ng oras ng lahat ng mamamayan.
Siyempre, hindi pa rin talaga mahahambing sa isang tunay na lindol. Malaking bagay ang tunay na takot. Kalituhan at taranta ang siguradong iiral sa lahat. Walang mas nakakatakot na pakiramdam sa gumagalaw na kinatatayuan mo. Kapag nagbagsakan na ang mga kagamitan, mga poste, pati mga gusali, iba na ang pinag-uusapan natin. Pero walang masama sa pagiging handa kahit papano. Kaya dapat ay gawing regular ang pagsasanay para automatic na ang mga kilos sakaling tumama na ang “the big one”.