Pinsala imbes na aruga

ISA sa pinakamahalagang obligasyon ng estado ay ang ipaglaban at isulong ang interes ng mga bata. Mula ito sa doktrinang Parens Patriae o katungkulan nito bilang Magulang ng Bansa. Dahil nasa kamay ng estado ang lahat nang kayamanan ng taumbayan, higit itong nasa posisyon upang makatulong. Sa una’y pinairal ang doktrina  para sa mga taong nasa wastong edad na hindi kayang proteksyunan ang sarili – tulad ng mga may karamdaman o may kakulangan sa katwiran. Sa malaon, ang sektor ng mga bata ay itinuring ding grupo na nangangailangan ng kalinga ng estado.

Papaano kung, imbes na magbigay kalinga, ang estado mismo ang pagmulan ng pinsala? Ganito ang  nangyari sa kaso ng mga bata sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay. Nagkasakit sa kamay ng Department of Health dahil sa mga pinainom na deworming medicine. Imbes na ginhawa at proteksyon ang mabigay, mismong sakit ang dinulot ng mga akto ng pamahalaan.

Hindi biro ang nangyaring ito sa libu-libong bata. Ang ganitong trahedya ay hindi pwedeng balewalain at ituring lamang na hindi inaasahang pagkakamali. Hindi rin ito maaring ihalintulad lang sa iba pang kapalpakan ng pamamahala tulad ng MRT. Dahil mismong kalusugan at kaligtasan ng mga bata ang nakasalalay, kailangang isailalim ito sa masusing imbestigasyon. Sa madaling salita, mas mataas na pamantayan ang dapat hilingin sa ating Department of Health at sa iba pang mga kagawaran at ahensyang may kinalaman sa pangangailangan ng sector ng mga bata.

Hindi pa man nauumpisahan ang imbestigayson ay alam nang may ilang gamot na ginamit na may expiration na 2012. Hamon ng DOH na “politika” raw ang dahilan ng paglutang ng mga ebidensiyang ito. Ayon sa kanila, ang mga naramdaman ng mga batang pagsuka at hapdi ng tiyan ay normal na side effect ng deworming medicine. Kung totoo man ito ay hindi maikakaila na nagkulang sila sa pag-orient ng mabuti sa mga bata at sa mga nag-distribute ng mga gamot.

Sanaý matapos sa lalong madaling panahon ang pagsuri sa kung paano ba talagang nangyari ang deworming scandal ng DOH nang wala na muling mapinsalang bata sa kamay mismo ng pamahalaang dapat nagbibigay aruga.

 

Show comments