Kampanya kontra korapsiyon ‘sablay’

ISA sa dalawang Pilipino, o 46%, ang nagsasabing sablay ang kampanya ni President Noynoy Aquino kontra katiwalian. Saad ito sa Veritas Truth Survey ng simba-hang Katoliko, kung saan 41% din ang duda sa “Daang Matuwid” ni P-Noy. Labintatlong porsiyento lang ang nagsabing tumupad si P-Noy sa pangakong aalisin ang korapsiyon. (Isang libo’t dalawang daan ang sinarbey nu’ng 2nd-quarter, mula sa lahat ng uring pang-ekonomiya, at may ±3 margin of error.)

“Kung walang korap, walang mahirap,” kampanya ni Noynoy sa Panguluhan nu’ng 2010. Kung sinarbey din ang respondents sa kanilang buhay, malamang ay umangal sila na mas humirap kaysa noon.

Totoo kasi na nagbubunsod ng karalitaan ang katiwalian. Kung nilaan sa pang-kaunlaran imbis na binulsa ng mga mambabatas ang pork barrel, tumiwasay sana ang buhay. Kung imbis na pinag-komisyunan ay nilaan nang buo ang pondo para pag-angkat ng bigas, panggawa ng mga kalsada’t riles, pang-patubig at kuryente, napalusog sana ang mamamayan at napalago ang hanapbuhay. Kung inasikaso ng mga pinuno at partido ang ekonomiya imbis na pansariling interes, mas marami sana ang nagkatrabaho, at gumagasta sa ikalalago ng negosyo.

Pero ramdam natin lahat na kabaliktaran ang nangyari nitong nakaraang limang taon sa ilalim ni P-Noy. Tinugis nga niya ang mga tiwaling Oposisyon, pero hinayaan naman ang korapsiyon at kapalpakan ng mga kapartido.

Kaya ba magbago ni P-Noy sa nalalabing isang taon sa puwesto? Kung gugustuhin niya, meron mangyayari. Aba’y sa pananaw ng madla, pare-parehong bugok ang mga sangay ng gobyerno: Senado, 49%; Kamara de Representantes, 48%; Office of the President, 42%; Office of the Vice President, 39%; Cabinet secretaries, 46%; at Hudikatura, 48%.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments