Hindi makakalusot si Mister sa kaso

PUWEDE bang pansamantalang itigil ng piskalya ang pagdinig sa kasong concubinage ni Mister habang nililitis naman ang kaso para sa pagpapawalang bisa ng kanilang kasal ni Misis? Ito ang isyu na sasagutin sa kaso ng mag-asawang Felipe at Mayette.

Dalawampu’t apat na taon matapos silang ikasal sa simbahan at magkaroon ng apat na anak ay saka pa lang daw nalaman ni Felipe na “psychologically incapacitated” o walang kakayahan si Mayette na gampanan ang mga obligasyon nito bilang asawa. Kaya nagsampa si Felipe ng kaso para mapawalang bisa ang kanilang kasal.

Pero ayon naman kay Mayette, ang kasong ito raw ay paraan lang ni Felipe para makakalas at maipagpatuloy nito ang pakikisama sa ibang babae na si Sally na kanyang kalaguyo. Dahil daw sa pagmamahal at pakikisama nito sa kabit ay nakuha ni Felipe na iwanan o abandonahin ang kanyang asawa at mga anak. Kaya bukod sa ginawang pagkontra sa petisyon sa pagpapawalang bisa ng kasal ay sinampahan pa ni Mayette ng kasong concubinage ang asawang si Felipe at ang kabit nito.

Mas pinaboran ng City Prosecutor’s Office si Mayette. Sinabi nito na may probable cause o may sapat na basehan para kasuhan sina Felipe at Sally ng concubinage nagsampa ito ng kasong concubinage laban kay Felipe at Sally.

Para mapahinto ang paglalabas ng warrant para sa pagdakip sa kanila, nagsampa ng mosyon si Felipe na pansamantalang ihinto ang pagdinig sa kasong criminal habang nililitis pa ang petisyon na pawalang bisa ang kanilang kasal ni Mayette. Isang prejudicial question o isang mahalagang katanungan ito na makaaapekto sa kalalabasan ng kasong kriminal. Ayon kay Felipe, kung mapapawalang bisa ang kasal nila ni Mayette, hindi siya mapapakulong para sa kasong concubinage dahil hindi na siya ituturing na kasal. Tama ba si Felipe?

MALI.  Kahit na ideklara ng korte na walang bisa ang kasal nina Felipe at Mayette dahil sa psychological incapacity, walang epekto sa kasong kriminal na hinaharap ng lalaki. Hindi siya kung hindi ang  korte lang ang magpapasya kung walang bisa ang kasal niya. Habang wala pang desisyon ang korte ay legal at may bisa pa rin ang nasabing kasal. Kaya ang sinumang lalaking may asawa na makikipagrelasyon sa ibang babae na hindi niya asawa ay sumusugal na makasuhan ng concubinage. Hindi depensa sa kaso na umpisa pa lang ay hindi na nagkaroon ng bisa ang kasal niya.

Bukod dito, ang desisyon naman sa petisyon ng sa pagdedeklarang walang bisa ng isang kasal ay kailangan lang para muling makapagpakasal ang dalawa. Kaya sa kasong ito, hindi na kailangan ang pinal na desisyon ng korte sa pagpapawalang bisa ng kasal nila ni Mayette para ituloy ang kaso ng concubinage. Dapat lang patunayan ni Felipe ng ibang ebidensiya na bukod sa magiging desisyon ng korte sa kasal (Beltran v. Pp., G.R. 137567, June 20, 2000).

 

 

Show comments