Baka sa una lang iyan
NGAYONG araw na ito mahigpit na ipatutupad daw ng LTO ang “no registration, no travel” na patakaran. Lahat daw ng sasakyan ay pahihintuin kapag nakitang walang plakang nakakabit. Kapag may maipakitang OR at CR, patunay na rehistrado na ang sasakyan pero walang plaka, P5,000 kaagad ang multa. Kapag walang maipakitang OR at CR, mas malaki pa ang multa at kapag kulang pa rin ang mga dokumento, maaaring ma-impound na ang sasakyan.
Wala na raw kasing dahilan ang mga bagong sasakyan dahil mabibigay na raw ng LTO ang mga kaukulang plaka. Kaya kung may bagong sasakyan, hindi na uubra ang dahilan na wala pang maibigay na plaka ang dealer. Kaya para sa mga wala pang plaka diyan, mabigat rin ang P5,000 multa. Ang payo ko ay huwag nang subukan kung magiging mahigpit nga ang LTO at sigurado magpapakitang gilas sila.
May mga bagong katangian ang plaka ngayon. Una, mapapansin na apat na ang numero. Pangalawa, may bar code na rin na naka-rekord umano sa LTO, para malaman kung saang sasakyan talaga nakakabit ang plaka. At ang tornilyo na humahawak sa plaka ay kakaiba rin na hindi basta-basta matatanggal kung walang tamang kagamitan. Kapag pinilit daw, masisira lang at hindi na magagamit. Kapag nakitang tampered na, may multa rin.
Kaya ang ginagawa ng iba na pinagpapalit ang mga plaka para magamit kapag coding ang sasakyan ay hindi na raw magagawa.
Sana nga at hindi ko kinakalimutan ang galing ng Pinoy pagdating sa mga “paraan”.
Pero matagal ko nang narinig ang “no plate, no travel” na iyan, ngunit napakarami pa ring mga sasakyan ang bumabaybay ng siyudad na walang plaka. Kaya nga ginawang basehan ng MMDA ang mga conduction sticker para sa number coding. Hindi raw maibigay ng LTO ang mga plaka kaya maraming sasakyan ang wala nito.
Makikita na lang natin kung talagang magiging mahigpit ang LTO sa patakarang ito, o sa umpisa lang. At kung may mga palulusutin na namang mga maimpluwensiya o mayayamang motorista, lalo na’t Semana Santa na. Madalas naman ganyan ang kalakaran sa mga bagong patakaran. Baka sa una lang iyan.
- Latest