MAY karapatan si Presidente Noynoy na tanggihan o tanggapin ang paanyaya ng alin mang investigative body na nag-iimbita sa kanya, hindi lamang sa usapin ng Mamasapano kundi sa iba pang mga isyung nadadawit ang kanyang pangalan. Wika nga, ito’y isang presidential prerogative at walang maikakaso sa kanya kahit isnabin niya ang ganyang mga paanyaya.
May opisyal nang desisyon ang House of Representative na ibasura ang mga panukala ng mga oposisyunistang Mambabatas na anyayahan ang Pangulo sa gaganaping muling pagbusisi sa isyu ng Mamasapano sa Abril 7 at 8. Maaasahan lamang na ganyan ang magiging desisyon ng Kamara de Representate porke ang mga nakararaming mambabatas dito ay kakampi ng Pangulo. Call it politics, pero talagang ganyan.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Pangulong nanunungkulan ay may immunity sa lahat ng kaso at may lohika ito. Presidente siya at kung siya ay haharap sa mga asunto, nakataya ang pambansang interes dahil magagambala ang pagpapatakbo ng makinarya ng pamahalaan.
Kaya ang tanging paraan para makasuhan ang Pangulo ay sa pamamagitan ng impeachment na ang magpapasimuno ay ang Mababang Kapulungan. Pero tulad nang nasabi na natin, ang Kamara ay karaniwang nakakiling sa Presidente ng Pilipinas kaya may kalabuan kung magtatagumpay ang impeachment.
Iba naman ang kaso ni dating Presidente (ngayo’y Manila Mayor) Joseph Estrada dahil maging ang mga Mambabatas sa Mababang Kapulungan ay tila nagkaisa na laban sa kanya. Gayunpaman, hindi ang impeachment ang nagpatalsik sa kanya sa puwesto kundi ang People Power II na pumwersa sa kanya para bumaba sa tungkulin.
Disappointed man ang nakararami kay Presidente Aquino, walang magagawa kundi maghintay na matapos ang kanyang termino ng panunungkulan. Kapag nangyari iyan, malamang na uulanin naman siya ng mga asunto kaliwa’t-kanan. Sinabi naman mismo ng Pangulo na hindi siya nababahala sa mangyayaring ganito dahil handa siyang humarap sa mga asuntong ilalatag sa kanya pagdating ng araw.