(Giyera kontra droga)
Dapat talagang gawin ng independenteng ahensya ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).
Hindi na ito dapat ilagay sa ilalim ng Office of the President (OP) kung saan ang tingin sa kanila, tau-tauhan o ‘puppet.’
Nagdedeklara ng giyera kontra droga ang mga operatiba ng PDEA subalit ang kanilang pondo kakarampot.
Walang sapat na kagamitan, teknolohiya at bilang ng mga tauhan dahil ang pamahalaan sa iba nakatingin.
Hindi nababahala sa pagtaas ng krimen na ang sanhi, ilegal na droga. Para sa kanila, sapat na siguro ang humigit-kumulang P500 milyones lang na pondo ng ahensya.
Sa inilabas ng Narcotics Control Strategy Report ng United States Department States, transshipment o bagsakan ng ilegal na droga ang Pilipinas.
Kakulangan sa batas na may pahintulot na tiktikan ang mga sindikato ang isa sa mga itinuturo nilang dahilan.
Papaano ba naman kasi, natutulog pa rin sa Kongreso ang isinusulong na Wiretapping Law. Walang mambabatas na naglalakas-loob tumalakay sa isyu.
Hindi ako nangangalakal ng kaguluhan dito pero mas abala pa sila ngayon sa Bangsamoro Basic Law (BBL) kumpara sa nakakabahalang sitwasyon ng ilegal na droga. Mas inuuna pa nilang pondohan ng P75 bilyones ang ‘Bangsamoro’ kesa sa PDEA na barya-barya lang ang natatanggap na suporta.
Dalawang bagay lang kung bakit ayaw magsalita ng mga senador at kongresista sa ilegal na droga sa bansa.
Una, sadyang nababahag lang talaga ang kanilang mga buntot. Pangalawa, protektor sila ng aktibidades ng mga sindikato dahil suportado sila ng mga nasa likod nito. Malapit na naman ang eleksyon.
Ako’y naniniwala na dapat talagang palakasin ang drug enforcement agency sa Pilipinas.
Bigyan ng pangil ang batas kontra ilegal na droga para makita ng mga sindikato na seryoso ang gobyerno sa pagdedeklara ng gyera.
Magdadag ng mga eksperto sa batas at mga magagaling na fiscal nang sa ganun, anuman ang kasong isasampa laban sa mga sindikato, hindi mababasura.
Higit sa lahat, lagyan ng sapat na pondo ang PDEA ganundin ang Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOFT) ng PNP at mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Hangga’t hindi ito pagtutuunan ng pansin ng administrasyon, lalo pang mamamayagpag ang ilegal na droga at magiging palaruan ang Pilipinas.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.