Rosas ka na nang umusbong sa ubod ng aking puso
Ay biglaang nagpabilis sa daloy ng aking dugo,
Dahil sa‘yo’y nagkabuhay ang damdaming dati’y bigo
At natutong mangundiman sa daigdig ng Parmaso!
O Mutya – magmula nang isilang ka’t masilayan
Nagbago ang daigdig kong dati-rati’y walang muwang,
Ang langit kong noo’y laging may lambong ng kadiliman
Nagliwanag at wari bang ang langit ko ay nabuksan!
Wisikan mo ng kalinga o bulaklak na maganda
Ang puso kong luray-luray nang mamulat yarang mata’
Sa patak ng aking luha talulot mo ay ibuka
Upang ako’y makasilong kahit saglit o diwata!
Eden ka ng aking buhay na ang tanging minimithi
Sa biyaya ng hardin mo ako sana’y makilimpi’t
Gigisingin kita Mutya sa lambing ng mga hikbi
At pangakong sa puso ko’y mamahalin kitang lagi!
Nahan Mutya ang pisngi mong sa tuwina’y hinahanap
Sa lundo ng bahaghari’t sa nagbiting mga ulap?
Tatawirin ko rin Giliw malawak na mga dagat
Masilayan ko man lamang ang ganda mong pinangarap!