EDITORYAL – Lokal na magsasaka ang laging kawawa
ANG mga maliliit na magsasaka ang lagi nang nagiging kawawa sa bansang ito. Sa halip na sila ang maproteksiyunan ng pamahalaan at maiangat ang buhay, sila ang nagiging kawawa. Mahirap ang maging magsasaka. Bago mapakinabangan ang tinanim, ilang buwan ang hihintayin bago ito anihin. Kailangang matiyaga at mahaba ang pasensiya. Kailangan din ang ibayong sipag habang hinihintay ang paglaki, pamumulaklak hanggang sa panahon ng anihan. Kailangan din ang tibay ng loob sapagkat maaaring sirain ng bagyo o anupamang kalamidad ang pananim. Ang pagiging magsasaka ay parang nakikipagsugal --- maaaring matalo at manalo.
Gaya na lamang nang nangyayari sa mga nagtatanim ng sibuyas, tila malaking bangungot ang kanilang nararanasan. Paano’y kung kailan sila nag-aani ng kanilang pananim na sibuyas saka naman pinayagan ng Department of Agriculture (DA) na makapag-import ng sibuyas ang mga miyembro ng National Onion Action Team (NOAT). Ang NOAT ay isang special body na binuo ng DA para maproteksiyunan umano ang mga magsasaka ng sibuyas. Pero sa halip na maproteksiyunan ang mga magsasaka, lalo pang nilubog sa dusa. Paano’y hinayaan ng DA na makapag-import ng sibuyas ang mga miyembro ng NOAT. At sa nangyari, dumagsa ang sibuyas sa merkado at bumaba ang presyo. Ang mga inimport na sibuyas mula China ang nasa palengke at ang mga local harvest ng kawawang magsasaka ang hindi mabili. Mas mura ang imported na sibuyas kaysa mga local na sibuyas.
Hinihiling ng mga magsasaka na buwagin na ang NOAT. Hindi ito nakatutulong kundi apektado ang aning sibuyas ng mga local na magsasaka. Hiniling din ng mga magsasaka na magbitiw si DA secretary Proceso Alcala.
Sa kasalukuyan, dalawa ang Kalihim ng Agriculture – si Alcala at si dating senador Francis Pangilinan. Pero sa halip na gumanda ang buhay ng mga maliliit na magsasaka, lalo silang nalubog sa kumunoy ng kahirapan. Protektahan ang mga magsasaka laban sa mga bumabahang imported agri products.
- Latest