ISA na namang pagbagsak ng eroplano, isa na namang misteryo. Ang Germanwings flight 9525 mula Barcelona, Spain patungong Dusseldorf, Germany ang bumagsak sa may French Alps noong Martes. Kumpirmadong namatay ang 150 pasahero at tauhan ng eroplano. Sa pagkaalam ko, may 16 na mag-aaral na pabalik na sana sa kanilang mga pamilya. Natagpuan at napakinggan na ang isa sa dalawang “black box” ng eroplano. Base na napakinggan sa cockpit voice recorder, maayos naman ang lipad ng eroplano at maayos ang pag-uusap ng dalawang piloto.
Pero nalaman na lumabas ang piloto mula sa cockpit, siguro para magtungo sa comfort room. Pero nang bumalik, nadiskubreng naka-lock na ang pinto, at hindi pinagbuksan ng pinto ng pilotong naiwan sa loob, kahit sumisigaw na ang piloto at hinahampas na nang husto ang pinto. Ayon sa airlineratings.com, ang pinto raw ng cockpit ng Airbus 320 ay may tatlong posisyon – “unlocked”, “normal” at “locked”. Ang pinagkaiba ng “normal” at “locked” ay hindi na mabubuksan mula sa labas ang pinto kahit alam pang gamitin ang keypad at emergency code para mabuksan. Ang hinala ng mga imbestigador ay nasa “locked” na posisyon ang pinto, kaya hindi na rin mabuksan ng piloto kahit alam ang emergency code. At para malagay sa posisyon ng “locked”, tao lamang ang makakagawa nito. Kaya ano ang anggulo ng mga im-bestigador ngayon? Sinadya ng naiwang piloto na ibulusok ang eroplano sa bundok? May nangyari ba sa kanya?
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag, tila ito ang anggulong tinitingnan. Pero walang indikasyon sa pagkatao at karakter daw ng pilotong naiwan ang magpakamatay. Ilang taon na rin daw nasa kompanya, at nagsanay sa kompanya mismo. Naririnig na humihinga nang regular ang pilotong naiwan hanggang sa tumigil na ang mga recording. May mga ibang anggulo pang sinisiyasat, pero tila ito ang pinakamalakas ngayon. Hindi ko maisip kung bakit mandadamay pa ng ibang tao kung nais nang mawala sa mundo ang piloto. Kaya kailangan mahanap na rin ang flight data recorder para makita ang mga kilos ng piloto hanggang sa bumagsak ang eroplano.
Mas marami pa ang malalaman sa mga darating na araw habang tumatakbo ang imbistigasyon. Igigiit pa rin na ang pagbiyahe sa eroplano ang pinakaligtas na uri ng transportasyon. Pero ayon sa Aviation Safety Network, kung titingnan ang nakaraang 15 buwan, may 24 na eroplano na ang bumagsak. Higit isa bawat buwan. Pero ayon sa mga datos, pinakamababa na raw ito para sa isang taon. Pero lahat ng mga trahedyang ito ay nagagamit rin para maging mas ligtas pa ang paglipad. Tulad sa trahedyang ito, baka kailangan may CR ang mga piloto sa loob ng cockpit mismo, para walang dahilan lumabas habang lumilipad. O kaya ay hindi na puwedeng maiwan mag-isa ang piloto sa cockpit. Kung lalabas ang isa, kailangan may pumalit sa kanya sa loob, mas maganda kung piloto rin, para laging dalawa ang nasa loob. Maganda na rin kung may CCTV na nakaturo sa loob ng cockpit, para makunan ang lahat ng nagaganap. Lahat ito siguradong pag-aralan nang husto. Sa ngayon, kailangan malaman ang dahilan ng pagbagsak ng flight 9525.