DIYOS na mahabagin, huwag sana matuloy ang balak ni President Noynoy Aquino na dagdag-kalupitan sa bansa -- ang pagtalaga kay Press Sec. Herminio Coloma bilang hepe ng Civil Service Commission.
Delikadong ipangasiwa kay Coloma ang burokrasya. Madungis ang record niya sa government service. Tumestigo siya laban sa Pilipinas, sa international case nito sa Fraport. Kataksilan sa bansa ang ginawa niya.
Maaalala na in-expropriate ng gobyerno nu’ng 2003 ang NAIA-3 dahil sa tiwaling kontrata at construction. Nilabag ng local firm Piatco at German Fraport ang Anti-Dummy Law. Binigay ng una sa dayuhan ang 61.44% pag-aari, miski limitado lang sa 40%. Nag-money launde-ring ang Piatco-Fraport sa British Virgin Islands. Nanuhol sila ng opisyales para maanomalyang baguhin nang apat na beses ang orihinal na kontrata. Kinatigan ng Korte Suprema ang gobyerno sa expropriation.
Nagdemanda ang Fraport sa International Centre for Settlement of Investment Disputes sa Washington DC, at ang Piatco sa International Chamber of Commerce sa Singapore. Sa testimonya, siniraan ni Coloma ang mga paratang ng gobyerno sa Piatco-Fraport ng dummying, money laundering, at corruption.
Sa posisyong press secretary, ilang ulit din nagbulaan si Coloma. Pinaka-talamak ito sa pagtatakip sa Mamasapano debacle, at sa tiwaling taas-pasahe at kontrata sa MRT-3 maintenance.
Ang pagtataksil at pagbubulaan ay paglabag sa Konstitusyon (Art. 11, Kapanagutan ng mga Pinunong Pambayan, Sek. 1: “Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan.”