MAY panawagan ang mga kasapi ng United Print Media Group, mga publisher ng peryodiko at magasin kay Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Gregory Domingo.
Tinututulan nila ang gusto ng Tariff Commission na bawat importation ng newsprint ay patawan ng specific tax na P2,470 bawat metric ton.
Kontra ang grupo dahil ang specific duty na ito ay magreresulta sa 5 percent hanggang 8 percent dagdag na gastos sa paglilimbag nila ng dailies.
Hindi katulad ng ibang produkto, hindi maaring ipasa sa mga mambabasa ang dagdag-gastos dahil kapag minahalan pa ang halaga ng peryodiko, mas malamang na hihina ang sirkulasyon nito.
Apektado rin ngayon sa sirkulasyon ng mga peryodiko at magasin ang availability of information sa internet ng libre.
Hindi lang dailies ang apektado sa specific duty na ito kundi tataas din ang halaga ng notebook, textbook at iba pang materyales na gumagamit ng newsprint.
Dahil lamang sa kagustuhan ng Tariff Commission na madagdagan pa ang buwis na kinukolekta ng gobyerno, hindi baleng mahirapan ang print media na libu-libo rin ang umaasa para sa kanilang ikabubuhay. Dapat habulin ng BIR ang mga hindi nagbabayad ng tamang buwis, lalung-lalo na ang malalaking kapitalista.
Sana ay pakinggan ng DTI ang tinig ng mga publisher at manggagawa sa print medium.
Kung ito ay makasasama sa isang sektor ng lipunan, hindi ito dapat ipatupad.
At saka, dapat ay laging manaig ang vox populi, vox de spirit o “ang tinig ng mamamayan ay tinig ng Panginoon.”