NAKAKAGALAK na may ilang pribadong sektor na nakikisimpatya sa ating mga bayaning nasawi at nasugatan sa Mamasapano incident para makatulong sa mga ito at sa mga naulilang pamilya.
Nakasusuya na kasi yung mga naririnig nating finger-pointing o sisihan kung sino ang dapat managot sa pumalpak na insidenteng ito. Dapat talagang managot ang may pananagutan, pero wika nga, first things first. Nakakaligtaan kasi ang mas importante at makataong aspeto na pagtulong sa mga naapektuhan, lalo na ’yung mga talagang lumaban, nasugatan at nagbuwis ng buhay.
Kahit ang Project Damayan ng Star Media Group ay nagdonasyon ng kabuuang P2.8 milyon na hinati sa P64,000 bawat isa sa bawat biktima ng trahedyang ito.
Balita ko, naging tagumpay din ang inilunsad na ‘Songs for Heroes Benefit Concert’ ng Ang Dating Daan para sa SAF 44. Nakalikom umano ito ng hindi kukulangin sa anim na milyong piso. Ang naturang concert na ginanap sa Mall of Asia noong Marso 19 ay proyekto ng Dating Daan sa pamumuno ni Bro. Eli Soriano na suportado ng mga miyembro ng Church of God International at ng UNTV na pinangungunahan ng kaibigan nating brodkaster na si Kuya Daniel Razon.
Inilunsad ang ‘Songs For Heroes’ dahil sa layuning maging makaagapay ng administrasyong Aquino sa pagtulong sa mga naiwang pamilya ng 44 SAF members.
Korek si Bro. Eli. Imbes na manawagan para magbitiw si Pang. Aquino na nagbubunga lang ng tensyong politikal sa bansa, mas makabubuti umanong makibahagi sa pagtulong sa ating kapwa tao. Umapaw sa “tribute songs” ang gabi ng konsiyerto na iniaalay sa mga magigiting na bayani ng SAF at sa kanilang mga kaanak.
Saludo rin tayo sa mga musikerong nag-alay ng kanilang talento tulad nina Noel Cabangon, Jonalyn Viray, Jay Durias, Faith Cuneta, Bo Cerrudo, Jek Manuel, Shane Velasco, Beverly Caimen at Gerald Santos.
Ang nalikom na halaga ay ibinigay naman sa pamunuan ng PNP na dumalo rin sa naturang okasyon, kasama si Armed Forces chief of staff, Gen. Pio Catapang Jr. Kasama sa mga mabibigyan ng tulong ay ang 15 iba pang kasapi ng SAF na nasugatan sa operasyon. Labis naman ang pasasalamat ng mga pamilya at kamag-anak ng mga napaslang.