‘Largaaa!’

ANG KARERA NG KABAYO o ‘Horse Racing Industry’ ay isang multi-million o bilyong pisong industriya na humahakot ng pera para sa gobiyerno at layong magbigay dibersyon sa manlalarong Pilipino na nagsimula pa nung panahon ng mga Amerikano.

Dahil ito nga ay ‘income generating industry’ para sa bayan dapat isang masusing pagbabantay sa mga nangyayari tuwing may pakarera.

Kaya tinatag ang Philippine Racing Commission (PHILRACOM) na nangangasiwa at ito ay nasa ilalalim ng Tanggapan ng Pangulo nasi Presidente Benigno Simeon Cojuangco-Aquino III o P’noy na nakagawian na nating itawag sa kanya.

Naalala ko na sinabi ni P’noy ng una natin siyang madinig na bigkasin ang mga katagang ‘KAYO ANG BOSS KO’!

Ito ay malinaw na pagkilala na ang taong bayan ang nagluklok sa kanya sa pwesto at utang niya sa atin ito.

Ang PHILRACOM ay Boss si P’noy at si P’noy ay Boss tayo, eh di ang ibig sabihin niyan, dapat boss ninyo rin kami (PHILRACOM) sa ilalim na ngayon pinasikat na mga katagang ‘Chain of Command Responsibility’.

Dahil boss ninyo kami mga kagalang-galang na opisyales ng PHILRACOM, dahil sa amin din naman kinukuha ang mga sweldo, allowances, at iba pang benepisyo na nakukuha ninyo, aba may karapatan din kami na magsalita upang tawagan kayo ng pansin.

Mga bago ang hinirang na opisyales, bagamat meron mga itinira sa dating commissioner ng PHILRACOM. Sinu-sino sila?

Ang Chairman ay si Andrew A. Sanchez, ang kanyang mga commissioners ay sina Bienvenido C. Niles, Ramon Bagatsing, Jose P. Gutierrez Santillan, Jr.,Wilfredo J.A. De Ungria at mga dati ng commissioners na sina Victor V. Tantoco at Lyndon B. Guce.

Ang kanilang Executive Officers ay sina Executive Director Andrew Rovie M. Buencamino at Eva L. Bataller Deputy Executive Director III.

Hindi ko tinatawaran ang galing at talino ng mga taong nanumpang muli matapos magkaroon ng balasahan at mapalitan si Chairman Angel Castaño.

Ako ay natutuwa na si Commisioner De Ungria (na isang person with disability) ay nabigyan ng pagkakataon mapakita ang kanyang malalim na kaalaman sa larangan ng horse racing.

Hindi ko na rin tatalakayin kung bakit may ‘horse owners na namumuno ng mga Horse Racing Organizations na ang pananaw ng iba ay malinaw na‘conflict of interest’.

Nais kong sumentro sa pagkaka-talaga sa ama ni Executive Director Andrew Buencamino na si Romy Buencamino bilang isang consultant?

Hindi kaya NEPOTISMO ito Pres. P’noy?

Sabagay hindi pa naman naipapasa ang Anti Dynasty Law sa Kongreso na alam naman nating lahat ay pipisakin ng maraming mambabatas na tatamaan nito.

Pati ba naman sa PHILRACOM meron nito? Nagtatanong lang. Dapat hindi kayo maging balat sibuyas (onion skinned) dahil ang inyong mga posisyon bilang ‘public officials’ ay ipinagkatiwala lamang. ‘Public Office is a Public Trust’.

Ayos sana kung itong si R. Buencamino ay gampanan niya ang kanyang trabaho at alamin kung hanggang saan ba ang saklaw ng kanyang posisyon bilang consultant.

‘Meron kasing nakarating na balita sa amin at inuulat na itong si R. Buencamino ang namamayagpag sa mga karerahan, sinisita ang mga hinete at pati na rin ang mga Board of Stewards (BOS) at may umanong pananakot na kapag hindi nasunod ang utos niya ay ipasusupinde niya sa Komisyon!’

Maliban pa rito, may insidente na pintawag ng Komisyon ang mga BOS at pagdating dun sa opisina si R. Buencamino lang ang masigasig na banat ng banat sa mga miyembro ng BOS na nag-iimbistiga at matapos ang lahat sabi ni Mr. Consultant nasusulatan niya ang mga ito.

Pinagmulta na nga ng limanglibong piso ang bawat isang miyembro ng BOS sa isang tamang desisyon (unanimous decision) na ginawa ng mga ito. Magkano lang ba ang sweldo ng isang BOS at tatapyasan mo pa ng ganitong halaga ng mga ito dahil sa pag-uudyok ng isang consultant? Siya ba ang sinusunod ng Komisyon?

Totoo kaya ito Mr. R. Buencamino, Mr. Consultant na ginagawa mo ito?

Aba, matatakot nga ang mga tao sa iyo at aalma kung may basehan ito.

Inuulit ko ang tanong, ‘Saklaw bang pagiging consultant mo ang iyong umano’y mga pinag-gagawa? Hindi kaya lumalampas ka na sa iyong trabaho?’

Hindi nga sinuspinde ang mga miyembro ng BOS subalit sila nga ay pinatawan ng Limang Libong Piso (P5,000) sa kadahilanang, “being guilty of gross negligence amounting to ignorance of the rules and regulations of duty” and given a stern warning that “similar offenses shall be dealt with more severely in the future”.

Nasaan kaya si Atty. Alfonso ‘Boy’ Reynona may-ari at namumuno ng San Lazaro Leisure and Business Park (SLLP).

Payag ka ba na tinatawag ang iyong mga BOS na ignorante sa mga batas at regulasyon ng kanilang tungkulin at may sala sila sa pagiging pabaya sa kanilang trabaho?

Kung kilala ko itong si Atty. Reyno, siya ay patas at hindi uurungan ang sinuman. Kung mga primyadong hinete sinususpinde niya ng matagal sa pagsakay sa kanyang karerahan para linisin ang industriya.

Napanood ko ang karerang inyong tinutukoy. Sa largahan ang kabayong ‘MONEY TALKS’ ay malinaw na naharangan ang daanan ni ‘JUANCHEZCO’S RUN’ at nasagi nito, kaya’t napatingala at hindi nakasalida ng mabuti.

Mga dalawang segundo rin ang nawala kay Juanchezco bago ito nakahabol at dumating ng pangalawa. Alam nating mga nangangarera ano ang halaga ng bawat segundo.

Nakasaad sa regulasyon na kapag ang isang kabayo ay nakatama ng ibang kabayo na maaring makapagbago ng resulta ng karera, may basehan ang desisyon ng BOS na diskwalipikahin ito at dahil pangalawang dumating si Juanchezco siya ang dineklarang nanalo.

Ang ginawa ng BOS ay isang judgment call’ ayon sa kanilang nakita at pagrerebisa ng ‘video footage’ na aktwal na kuha ng klub at hindi binatay para paboran ang sinuman.

Walang karapatan ang isang ‘consultant’ na sumita ng hinete o ng BOS at tanging ang Komisyon sa pamamagitan ng isang pormal na pagpapatawag ang maaari lamang gumawa nito.

Sa pagtatapos hindi ko layuninang sirain ang kredibilidad ng PHILRACOM kundi tawagan din naman sila ng pansin tungkol sa mga impormasyon na aking nakalap na galing din sa mga tao na kinabibilangan ng Horse Racing Industry!

Ilang beses naming sinubukang kunin ang kanilang panig, ang pinakahuli ay nung Biyernes kung saan sinabi nung sekretarya sa telepono na ka-aalis pa lamang ng mga taong hinanap namin at tumangging ibigay ang kanilang mga cellphone numbers.

Sa pagkakataong ito kung nais ninyong ibigay ang inyong panig, patas naming ilalathala ang inyong sagot.

PARA SA ANUMANG REAKSYON maaari kayong tumawag sa aming tanggapan, 638-7285/710-4038 o mag text sa 0921-3263166 o 0919-8972854. Ang aming tanggapan ay nasa 5th Floor, Citystate Centre Building, Barangay Orambo, 709 Shaw Blvd., Pasig City.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments