P-Noy ayaw mag-sorry mauukit sa kasaysayan
WALANG mangyayari ang pagpapa-apologize kay President Noynoy Aquino sa Mamasapano disaster. Labis siyang palalo para gawin ‘yon.
Minasdan siya ng taumbayan, na tinatawag niyang “mga boss.” Huli na at pilit pa ang pag-ako niya ng responsibilidad, 50 araw mula nang magngalit ang bayan sa pagmasaker sa 44 na Special Action Force commandos ng mga rebeldeng Moro na ka-truce kuno ni P-Noy. Ayaw niyang mag-sorry, kontra sa payo ng mga nakatatandang ex-President Fidel Ramos at ex-senator Panfilo Lacson. Hindi siya pag-aaksayahan ng panahon ng madla sa paghihintay. Tinimbang si P-Noy at nabistong kulang sa bait. Itatrato na lang siya tulad ng alila, kapatid, o kaibigan na nagkasala pero nagmamatigas pa. Itutuloy na lang nila ang buhay, marahil nagpapatawad pero tiyak hindi lilimot.
Mabibilang ang Mamasapano sa mapapait na iiwan ni P-Noy sa bansa. Kasama nito ang taas-presyo ng pagkain kung kelan tag-ani, pork barrel, pagbigay ng minahan sa mga espiyang Tsino, at katiwalian sa MRT-3 maintenance. Mauukit sa kasaysayan ang Enero 25, 2015, araw nang waldasin ang buhay ng SAF-44. Inilihim ni P-Noy ang operasyon sa matataas na security officials: Secretaries of Interior at Defense, at AFP chief. Ipinagkatiwala niya ito sa dating bodyguard Alan Purisima na ginawa niyang PNP chief, miski nu’ng suspindihin ito ng Ombudsman. Itinago ni P-Noy ang katotohanan, inisnab nu’ng una sa mga nagluluksang pamilya, at sa huli’y nagbuhos sa kanila ng pabuya.
Tinutularan ni P-Noy ang insinserong pag-sorry ni President Gloria Arroyo sa Hello Garci scandal. Iniwan ito ng sariling Gabinete. Marami roon ay sumapi sa Gabinete ni P-Noy. Sila malamang ang nagpapayo ngayon na huwag siyang mag-apologize.
Pakaisipin sana ni P-Noy: Panandalian lang ang mga alalay niya. Samantala, nananatili ang katotohanan. Tulad ng: Hindi nababawasan ang pagka-lalaki sa pag-sorry; nadadagdagan pa nga ang pagkatao mo.
- Latest