‘Tiwala sa namumuno’
SAAN mang organisasyon, ang isang magaling na lider may mataas na respeto sa kaniyang katungkulan, may integridad at may konsensya.
Nauunawaan niya ang salitang responsibilidad at pananagutan. Hindi ‘yung kapag nagkawindang-windang, ang unang gagawin, pagtuturo ng sisi para maisalba ang sarili.
Inaanalisa niya ang bawat kaganapan bago gumawa ng hakbang at desisyon. Sinisigurong tama ang kaniyang mga sinasabi at aksyon na magdudulot ng tamang kahihinatnan. Kung sa englis pa, desirable outcome.
Kapag nakita ang mga tumpak na paulit-ulit na resulta ng kaniyang mga sinasabi at plataporma, hindi na niya kailangan pang pagpawisang makamtan ang tiwala mula sa kaniyang mga pinamumunuan.
Subalit, kapag nakita na hindi maganda ang karakter at ugali ng isang lider, kahit na siya pa ang may pinakamataas na posisyon, pakikinggan lang ng tao ang kaniyang mga ingay, pero hindi siya paniniwalaan at pagkakatiwalaan.
Ganito ang nangyayari ngayon sa administrasyon ni Pangulong Noy Aquino.
Sa halip na akuin ang responsibilidad at pananagutan sa nangyari sa Mamasapano, puro pananaltik, pasaring at pagtuturo pa rin ng sisi ang pinaggagawa.
Walang paninindigan. Ayaw humingi ng paumanhin at hindi marunong umako ng pagkakamali.
Sa mga kaguluhan at pagtu-tsubibo ng administrasyon sa isyu ng Mamasapano massacre, mismong taumbayan na ang nagsalita.
Sumadsad ang trust rating ni PNoy sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Repleksyon ito ng mga kontra-kontrang sinasabi, ginagawa at palpak na resulta.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest