MERONG nagtanong sa akin na bakit 40 araw ang Kuwaresma gayung nagsisimula ito kung Miyerkules ng Abo at natatapos Muling Pagkabuhay ni Hesus at sa kanyang pagbilang ay 44 na araw. Ang paliwanag ng Simbahan, hindi isinasama sa bilang ang Linggo na pawang papuri at pasasalamat sa Diyos. Ang Kuwaresma ay panahon ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Panginoon.
Ngayon ay ika-5 linggo ng Kuwaresma. Ipinahayag ng Panginoon sa mga pagbasa sa Lumang Tipan na gagawa Siya ng bagong pakikipagtipan at hindi Niya gugunitain ang mga kasalanang mana. “Diyos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin”.
Ipinahayag din sa aklat ng Hebreo na si Hesus ay namumuhay dito sa lupa na dumadalangin at sumasamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. Ang tunay na kahulugan ng Kanyang pagsunod ay maging walang hanggang tagapagligtas sa tanang sumusunod sa Kanya.
Inilahad Niya sa Ebanghelyo: “Maliban na mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa, ngunit kung mamatay ito’y mamumunga nang marami.” Tuwing mababasa ko ito, aking naaalala ang gardening subject noong Grade IV ako. Biyernes noon nang aking itanim sa plot ang ilang butil ng bawang. Kina-Lunesan pumunta kaagad ako sa aking plot at nakita kong nabiyak ang butil ng bawang. Malungkot kong sinabi sa aking titser na si Sr. Maria Angustia FMM na nabiyak ang bawang. Natuwa siya. Nagtaka ako. Sinabi niya na dapat mamatay ang aking itinanim upang magkaroon ng bagong buhay.
Dito ko napag-ugnay ang sabi ni Hesus: “Ang labis na pagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit kung napupoot sa kanya ang daigdig na ito ay magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan.” Ang lahat pala ng butil na itinanim ay dapat munang mamatay para magkaroon ng panibagong halaman. Hindi minahalaga ni Hesus ang Kanyang buhay, manapa’y inialay Niya ito sa Ama sa pagpapatawad sa ating mga nagawang kasalanan.
Jeremias 31:31-34; Salmo 50; Hebreo 5:7-9 at Juan 12:20-33