Paano magagawa ang trabaho?

PAANO mo magagawa ang iyong trabaho, kung ang mga gusto mong tulungan ay sila rin ang mga gustong manakit sa iyo? Ganito ang nangyari sa naganap na sunog sa Malabon kailan lang. Nang dumating ang ilang bumbero sa nasabing lugar, dinumog sila kaagad ng mga residente at inaagaw ang kanilang mga kagamitan, partikular ang hose, para gamitin sa pag-apula ng sunog sa kani-kanilang tahanan. Siyempre hindi naman puwedeng pumayag na lang ang mga bumbero. Dito na nanakit ang ilang mga residente. Binato ang mga bumbero, sinuntok, at may ulat na sinaksak pa ang iba. Dahil nalagay na sa peligro ang kanilang buhay, napilitan silang umatras na lang mula sa lugar. Dalawa ang namatay sa sunog, habang higit 200 bahay ang nasunog.

Saan lalagay ang mga bumbero sa ganitong sitwasyon? Trabaho nga nila ang pumatay ng apoy, pero kasama na rin diyan ang pagsiyasat sa sitwasyon. Kung hindi na talaga masasalba ang ilang tahanan, ang sunod na gagawin ay pigilin ang pagkalat ng apoy sa mga hindi pa nasusunog. Sentido komon iyon. At hindi sila naging bumbero basta-basta lamang. Nagsanay sila para ma-ging epektibong bumbero. Ano naman ang alam ng mga residenteng gustong agawin ang kanilang mga hose?

Matagal ko nang sinasabi na dapat may mga sariling pampatay ng sunog ang mga komunidad na gawa sa mga magaan na materyales. Dahil sa napakadaling kumalat ng sunog kapag nagsimula na, mahalaga na mapatay kaagad. Dapat may mga fire extinguisher na nakalagay sa ilang lugar sa komunidad, at kailangan marunong silang gumamit. Kung puwedeng lagyan ng hose na malakas ang pressure, tulad ng mga car wash, mas maganda. Kung gusto pala nila maging bumbero, ito ang kanilang pagkakataon.

Kailangan tanungin ng mga nanakit ng bumbero sa sarili nila, na kung sakaling magkaroon ng sunog muli sa kanilang lugar, reresponde ba ang mga bumbero kung alam nilang malalagay lamang ang kanilang buhay sa peligro? O napakahirap bang intindihin niyan? Walang may gustong sadyang masaktan, lalo na kung ginaganap lamang ang tungkulin. Papasok na ang tag-init, kaya hindi malayo na magkarron pa ng mga sunog. Imbis na maging hadlang sa mga bumbero, tulungan na lang. Huwag pakialaman, at huwag saktan.

Show comments