ANG sabi ni Sen. Grace Poe, naniniwala siyang mabuting tao si Presidente Noynoy at maihahanay sa iilang na-ging Pangulo ng bansa na walang record ng katiwalian. Naniniwala ako riyan.
Pero ang dugtong ng Senadora, maaaring may mga nakapalibot sa Pangulo na sumisira sa kanya. Aprub din sa akin ang sinabing iyan ng Senadora. Tinunghayan niya ang nilalaman ng resulta ng imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na Mamasapano incident na ang binubuntunan ng pangunahing sisi ay ang Presidente, ang suspendidong PNP Chief na si Alan Purisima at ang sinibak na hepe ng Special Action Force (SAF) na si Getulio Napeñas.
So, ano ibig sabihin nito? Maaaring ang Pangulo ay nadiktahan ng mga maling suhestyon ng mga tauhan niya at nang pumalpak ang operasyon sa Mamasapano, nangunguna tuloy siya sa mga sinisisi ng taumbayan.
Puwede kasi na ikaw ang pinakamalinis at pinakamabait na leader. Hindi nagnanakaw at walang record ng katiwalian. Ngunit iba naman sa usapin ng korapsyon ang isyu sa incompetency na waring naipakita ng Pangulo sa pangyayaring ikinasawi ng 44 na operatiba ng SAF na aaresto sana sa dalawang most wanted na terorista.
Sa investigation reports ng Board of Inquiry ng PNP at ng Senado, nagkakaisang itinuturo ang hindi pagsunod sa “chain of command” ng Presidente nang isagawa ang operasyon sa Mamasapano.
It seems we cannot have best of both worlds. May mga leader na magaling magpatakbo ng gobyerno at mabilis magpatupad ng mga proyekto pero nangungulimbat. Mayroon din naman na hindi nga nagnanakaw at subok ang katapatan pero walang kakayahang mamuno dahil napapaikot ng mga kurakot na tauhan. Kung ako ang tatanungin, wala akong pipiliin sa ganitong klase ng mga leader. Mas gugustuhin ko pa rin ang isang namumuno na bukod sa malinis ang reputasyon ay marunong magpalakad ng pamahalaan. Hindi katakataka na sa pinakahuling survey, sumadsad ang trust rating ni Presidente Aquino. Pero ang sabi ng Palasyo, hindi magpapaapekto ang Pangulo sa nangyaring ito.