Bagong kagamitan
MAY parating na bagong eroplano mula sa Spain sa katapusan ng Marso. Ang una ay tatlong Airbus C-295 medium-lift na eroplano ang lalapag sa Clark, Pampanga. Inabot ng P5 bilyon ang tatlong eroplano. Ang dalawa ay madedeliber sa susunod na taon. Ang C-295 ay similar sa C-130 Hercules na matagal nang gamit ng Phlippine Air Force. Cargo plane rin ang C-295, tulad ng C-130, mas maliit lang. Natatandaan na ang mga C-130 ang nanguna sa pagdala ng mga tulong sa mga lugar na tinamaan ng Yolanda at iba pang kalamidad o krisis. Pero dahil iilan na lang ang lumilipad na C-130, hindi ganun kabilis ang pagdala ng ayuda. Kaya malaking tulong ang bagong C-295, lalo na kapag dumating na rin ang dalawang eroplano.
Bukod sa C-295, ilang mga bagong eroplano at helicopter pa ang matatanggap ng bansa ngayong taon. Mga combat utility at attack helicopters at eroplanong pandigma. Malaking tulong dahil na rin sa malungkot na estado ng Philippine Air Force, na naging bunsod ng mga biro at kantiyaw sa mga nakaraang taon. Tayo nga ang pinaka-mahinang Hukbong Himpapawid sa rehiyon kumpara sa mga kalapit bansa. Kailangan na kailangan natin ang mga bagong eroplano, lalo na ngayon na malinaw na todo-todo na ang pag-aangkin ng China sa mga islang inaangkin natin. Wala nga tayong magawa kundi kunan na lang ng litrato ang mga malalaking istrakturang itinatayo sa mga islang iyan.
Sa administrayong ito lang nagpatupad ng modernisasyon ng Philippine Air Force. Dapat talaga noon pa. Mas nabantayan siguro ang mga islang inaangkin natin, lalo na kung saan may mga sundalo at mamamayan na tayo. Malinaw na hindi prioridad ng mga nakaraang administrasyon ang palakasin ang Hukbong Himpapawid. Iba ang gustong palakasin, iba ang gustong paggamitan ng pera ng bayan. Hindi lang dapat ang Hukbong Himpapawid ang kailangan ng modernisasyon kundi ang buong AFP. Natanggap na natin ang dalawang Hamilton-class na barko mula sa Amerika. Alam ko may mga ibang mas maliit na barkong parating din mula Japan. Lahat ito mahalaga para sa ikalalakas ng AFP, na matagal na ring napabayaan dahil sa korapsyon.
- Latest