Handa na ba tayo?
Nararamdaman na natin. Bagama’t may kalamigan pa ang mga umaga, ramdam mo na ang init tuwing hapon. Nalalapit na ang tag-init sa bansa, at dala nito ang banta ng pagkulang ng kuryente na noong isang taon pang babala. Dahil sa kakulangan ng kuryente, baka mapilitang ipatupad ang rotating brownouts sa Luzon, isang sItwasyon na nais iwasan ng lahat, ma-ging negosyo o tahanan. Hindi makalimutan ng marami ang mga brownout na naganap noong 1993-1994, mga ibang lugar sa gabi pa tinatamaan.
May nadiskubreng power plant sa may Lake Caliraya, Laguna na itinayo ng isang kumpanyang Hapon. Ang kakayanan ng planta at 750 megawatts pero ang nagagamit lamang ay 200 megawatts. Sa madaling salita, kaya pa ng planta ang karagdagang limangdaang megawatts na malaking tulong sa Luzon. Hindi sinasabing hindi na magkakaroon ng mga brownout, pero baka mabawasan man lang. Kung bakit hindi ito alam o naisip man na pakinabangan ang nasabing planta ay hindi mapaliwanag. Napakalaking aksaya ng kakayanan ng planta.
Hinihikayat nga ng Meralco ang mga malalaking kumpanya at pabrika na malakas gumamit ng kuryente na gumamit ng kani-kanilang generator, para magamit ang kuryente sa mga residensyal na lugar. Karaniwan naman ay may mga malalaking generator ang mga pabrika para tuloy-tuloy ang kanilang paggawa at negosyo. Kung may epekto naman ito sa magiging presyo ng kanilang mga produkto o serbisyo ay hindi pa alam.
Hinihikayat rin ang mga mall na bawasan ang lamig ng kanilang mga aircon, para makatipid rin sa paggamit ng kuryente. Pero gawain nga ng marami ang magtungo sa mga mall para magpalamig, na siyang inaasahan naman ng mga tindahan dahil kapag maraming tao, may benta. Kung mainit na ang mall, sino pa ang pupunta doon?
Magsasara na ang Malampaya itong Linggo, para sa nakatakdang maintenance at pagkabit ng karagdagang platform. Ang Malampaya ang nagbibigay ng gatong na natural gas sa tatlong planta sa Luzon para sa kuryente. Kaya kung magsasara ito, mapipilitang gumamit ng ibang gatong ang mga planta, kung magagawa nila. Kundi, magsasara rin sila hanggang bumalik ang suplay ng Malampaya. Kaya mas maganda kung may iba pang mga planta tulad ng Malampaya. Ang hinala ay maraming suplay ng natural gas sa West Philippine Sea. Kaya naman inaangkin ng China ang buong karagatan, dahil gustong hanguin ang lahat ng mabibigay na gatong ng lugar para sa kanilang bansa. Isang bagay na hindi natin tatanggapin na basta-basta lamang. Pero sa mga itinatayong mga istraktura sa ilang isla sa karagatan, baka wala na tayong magawa kapag nagsimula na silang maghanap ng natural gas.
- Latest